Please use this identifier to cite or link to this item:
http://dspace.cas.upm.edu.ph:8080/xmlui/handle/123456789/1074
Title: | Paglulukad at pagbawi: ang pampulitikang ekonomiya ng kopra sa Bondoc Peninsula, Quezon |
Authors: | Mojica, Justine Nicole A. |
Keywords: | Coconut farmers Copra production |
Issue Date: | May-2017 |
Abstract: | Ang pananaliksik na pinamagatang "PAGLULUKAD AT PAGBAWI: Ang Pampulitikang Ekonomiya ng Kopra sa Bondoc Peninsula, Quezon" ay isinagawa sa Ikatlong Distrito ng lalawigan ng Quezon noong Pebrero 2017. Mayroon itong apat na layunin: (1) alamin at suriin ang kasalukuyang moda ng produksyon ng kopra at ang mga porma ng pagsasamantala sa mga maglulukad na nag-uugat mula rito; (2) alamin at suriin ang kasalukuyang moda ng pagkakakalakal sa kopra at ang mga porma ng pagsasamantala sa mga maglulukad na nag-uugat mula rito; (3) alamin at suriin ang kasaysayan ng paniningil at pagbawi sa pondo ng coco levy at ang mga nagtutunggaliang pananaw sa pagbawi nito; at (4) alamin at suriin ang paglawak ng kilusan ng mga maglulukad, ang mga uri ng organisasyong nabuo sa kanilang hanay at ang mga maniobra ng estado laban sa kilusang maglulukad. Gumamit ng metodolohiyang kwantitatibo at kwalitatibo para sa pagkalap ng datos. Mayroong kabuuang 35 katao na naging katugon sa sarbey. Nagsagawa rin ng pulong masa sa dalawang barangay sa Bondoc Peninsula. Gayundin, isinagawa ang mga panayam sa mga taong kinauukulan at mayroong kinalaman sa paksang tinatalakay. Ayon sa pag-aaral, pyudal at malapyudal ang kasalukuyang katangian ng moda ng produksyon na nakasandig sa pamumusisyon. Masasabing ang kawalan ng sariling lupa ang pinakamalalim na ugat ng kahirapan sa mga maglulukad. Pangunahing pinagsasamantalahan ang mga maglulukad sa ganitong sistema ay ang bahagi na ibinibigay sa panginoong maylupa bilang kabayaran sa paggamit ng kanyang lupa (ground rent). Mataas din ang tantos ng pagsasamantala sa mga manggagawang bukid sa koprahan. Ang pyudal na relasyon sa pagitan ng tenante at may-ari ay nagreresulta rin sa iba pang porma ng pagsasamantala tulad ng intimidasyon, panggigipit at kriminalisasyon ng mga kasong agraryo. Ang pagkakalakal ay kontrolado ng lokal na mamimili ng kopra. Walang kakayanan ang prodyuser na maglulukad na magtakda o impluwensiyahan man lamang ang presyo sa merkado. Bukod sa pambabarat sa presyo ng kanilang produkto, pinagsasamantalahan din ang mga maglulukad sa pamamagitan ng resikada at usura. Ang pondo ng coco levy ay isang pampublikong pondo para sa pakinabang ng mga magniniyog. Bagamat isa itong pampublikong pondo, hindi dapat ito ikategorisa na kasama ng mga regular o pangkaraniwang pondo ng gobyerno. Patuloy na iniipit sa legal na usapin ang isyu kung saan nakapangyayari ang impluwensiya ng mga kasabwat sa napakalaking scam na ito. Ang mga panukala sa Kongreso hinggil sa pamamahagi nito ay nakakiling sa interes ng mga panginoong maylupa at malalaking negosyador at burgesyang komprador sa oras na isapribado ang coco levy assets. Patuloy lamang na lumalawak ang baseng masa sa mga koprahan. Umiigting ang pagkilos ng mga maglulukad kasama ang iba pang magbubukid upang makapaglunsad ng pagbabago. Ang paglawak ng iba't ibang uri ng kilusan sa gitna ng papatinding militarisasyon sa kanayunan ay isang patunay na ang mga pagsasamantalang nararanasan ng mga maglulukad ay palala lamang nang palala. Sa kabuuan, masasabing atrasado, malapyudal at mala-kolonyal pa rin ang produksyon ng kopra. Pangunahing biktima ang mga maglulukad ng pyudal, malapyudal, komersyante, komprador at imperyalistang pagsasamantala't pambubusabos. Ang mga pagsasamantalang ito rin ang magtutulak sa kanila upang mag-organisa at aktibong kumilos tungong pagbabago ng kasalukuyang sistema ng paglulukad. |
URI: | http://dspace.cas.upm.edu.ph:8080/xmlui/handle/123456789/1074 |
Appears in Collections: | BA Development Studies |
Files in This Item:
File | Description | Size | Format | |
---|---|---|---|---|
CD-E232.pdf Until 9999-01-01 | 1.46 MB | Adobe PDF | View/Open Request a copy |
Items in DSpace are protected by copyright, with all rights reserved, unless otherwise indicated.