Abstract:
Ang pagkakakilanlan ng Pamahayagang Pilipino ay nakaugat sa ipinalalaganap na katangian
ng mainstream media - nakatali sa interes ng korporasyon, maka-selebriti, kontrolado ng iilang
burukrata at sumusunod sa paradigmang Kanluranin. Ang pananatili ng mga atrasadong praktis nito ay mariing maiuugat sa istruktura ng lipunan kung saan may higit na kontrol at impluwensya ang
mga nakaangat sa materyal na kondisyon at yaong nagtatamasa ng kapangyarihang pulitikal. Sa
paglipas ng panahon, ang mainstream media bitbit ang kaisipang awtoritaryan ay kinakitaan ng
malalawig na kontradiksyon sa teorya at praktis. Mas naging malupit ang pandarahas at panunupil sa
sektor ng pamahayagan kasabay ang paglansag sa iba pang progresibong elementong nagsusulong ng
makabayang interes. Sa matagal nitong pag-iral, pinanatili ng iilan ang ganitong kaayusan upang patuloy na magamit sa pagsusulong ng pansariling interes. Bunga nito ay ang pagpilay sa anumang umuusbong
na alternatibo sa nanaig na sistema ng pamahayagan. Nanatili rin ang atrasadong katangian ng midya
- sa usapin ng pagkonteksto, pagpoproseso at pagbibigay lalim sa impormasyong kailangan at
karapatang malaman ng publiko. Bigong makapaglatag ang mga nakalipas na rehimen ng
komprehensibong pamahayagang makapagbibigay ng angkop na kondisyon upang maisagawa ng
publiko ang papel nito bilang mamamayang mapangmatyag, mapanuri at kritiko. Ang publikong ang
tanging inaasahan ay ang impormasyong inilalathala o inieere ng mainstream ay may higit na
tendensiyang tanggapin lamang ang mga ito batay na rin sa naitaguyod na katangian ng tradisyunal
na midya - kaisipang patuloy na namamayani bilang tunay na mukha ng pamahayagang Pilipino. Maigting pa rin ang pangangailangan upang siyasatin ang nilalaman, paraan ng pagturin at
pagsusuri ng midya sa mga isyung panlipunan. Sapagkat nakasandig pa rin ang mga Pilipino sa
daluyang mainstream, isang mabigat na hamon sa alternatibong midya ang mapalakas ang pwersa
nito upang iwasto ang baluktot na pamamaraang ipinalalaganap ng tradisyunal na midya sa usapin
ng pagkonteksto at pagbibigay-lalim sa mga batayang isyu. Ang alternatibong midya ang direktang
tutugon sa kahinaan ng mainstream - sa usapin ng pagpapalalim sa panlipunang kamulatan at
pampulitikang edukasyon.