dc.description.abstract |
Ang pagkabaliw, bilang karamdaman sa pag-iisip, bukod sa pagtinging
sikolohikal at biyolohikal, ay mahalagang pagtuunan din ng pansin sa
perspektibong kultural. Makakamtan ito sa pamamagitan ng
pagsasaalang-alang sa mga katutubong paniniwala,
pagpapakahulugan, at mga sariling pananaw na umiikot sa
konseptwalisasyong ukol dito.
Ginamit sa pag-aaral na ito ang mga katutubong pamamaraan sa
pananaliksik (indigenous approaches) kagaya ng pakikipanayam,
pagtatanung-tanong, pakikipagkwentuhan, at nakikiugaling
pagmamasid. Isinagawa rin ang ilang case studies na ginamit na gabay
sa mga dapat na patunguhan at suriin. Nakaragdag din sa
pagpapayaman ng datos ang instrumentong palatanungan
(questionnaires) na nagbigay-daan sa pagkakaroon ng “semiquantitative”
na metodo.
Napag-alaman mula sa mga nakalap na datos na ibinahagi ng mga
kalahok na may edad 12 pataas na naninirahan sa baryo San Jose,
Rosario, Batangas na ang kanilang pagkilala sa isang tao bilang baliw
ay hindi naiitba sa mga katangian ng baliw na kinikilala ng Abnormal
Psychology gaya ng pagiging bayolente at iritable, pagpapamalas ng
mga di-akmang kilos, lihis na emosyon, magulong pagsasalita at
pakikipag-uganayan, at di-malinaw na takbo ng pag-iisip.
Mula sa pag-aaral ay nabatid din ang kanilang pananaw sa kung ano
ang mga posibleng dahilan ng pagkabaliw ng isang tao. Ang mga
nabanggit ay ang pagkalulong sa droga, pagdadala ng problema,
pagiging palaisip, pagkakaroon ng mapait na karanasan, at ang
pagkakaroon ng lahi ng baliw. Isa pa sa natuklasang pinaniniwalaan
nilang dahilan ay ang “danyo” o may kaugnayan sa mga dipangkaraniwang
nilalang o “supernatural elements”.
Tatlong perspektibo ang lumabas kung saan maaring tingnan ang mga
posibleng dahilan ng pagkabaliw ng isang tao. Ang una ay ang biokemikal
kung saan nabibilang ang mga kaso ng kabaliwan bunga ng
pagkalulong sa droga at ang pagiging namamana (hereditary); ang
ikalawa ay yaong nauugnay sa aspetong emosyunal gaya ng pagdadala
ng problema, pagkakaroon ng mapait na karanasan at pagiging
palaisip; at ikatlo, ang mga paniniwalang hinubog sa ilallm ng
perspektibong kultural. |
en_US |