| dc.description.abstract | Nagaganap lamang ang isang sakuna kung mayroong pagsasanib-pwersa ng bagay o
pangyayaring maaaring makapagdulot ng panganib (hazards), at ng bulnerabilidad
(vulnerability). Sa pagkakapook ng bansang Pilipinas sa heograpikal nitong lokasyon, at patuloy
na pag-iral ng kahirapan, paniniil, malawakang pagyurak sa kalikasan, reaksyonaryong pagdulog
sa mga problema, at kawalan ng katarungang panlipunan dito, hindi maipagkakaila na halos
palaging tiyak ang sakuna.
Mula sa lente ng sosyo-ekolohiya, nilayon ng pananaliksik na ito na siyasatin ang kwento
ng isang komunidad ng pabahay na biktima ng kaunlaran (displacement by development) at
siyang isinauling muli sa kinaroroonan ng panganib ng sakuna (re-placement into disaster).
Upang ilahad ang kanilang katotohanang sa likod ng malabahagharing mga tahanan, at taglay na
lokal na kaalaman mula sa mahabang panahon ng paninirahan sa tabi ng karagatan, gumamit ang
pananaliksik ng pakikipanayam, transect walk, at talaarawan (participant diary), alinsunod sa
critical disaster studies, kasama ang mga teorya ng social-ecological systems at risk society. Ang
mga datos na nakalap ay sinuri sa pamamagitan ng pagtetema, suring-salaysay, at
suring-deskriptibo.
Mahihinuha na ang komunidad ng pabahay sa tabi ng alon ay patunay ng katatagan ng
mga Pilipino sa harap ng anumang unos. Bagama’t hindi sa porma ng paggamit ng signos mula
sa kalikasan bilang early warning signs, hayag ang kultura ng bayanihan at damayan bilang
kanilang sandigan. Subalit, ang pagdulog dito ay bunsod din ng mga puwang na hindi napupunan
o pinipiling hindi punan ng mga kinauukulan, na siyang nagtutulak sa komunidad na umasa na
lamang sa kanilang mga sarili.
Hindi lamang pangkaraniwang kwento ng katatagang Pilipino ang hatid ng
katangi-tanging komunidad ng pabahay na ito. Kung magpapatuloy ang tradisyonal at
reaksyonaryong pagdulog at pagpapakahulugan sa sakuna, kasabay ng pagkaubos ng espasyo sa
siyudad, marami pa ang sapilitang maninirahan sa mapapanganib lugar at hindi na lamang sa
Barangay Poblacion masisilayan ang mga bagay na isinasalaysay ng pananaliksik na ito. | en_US |