Abstract:
Ang pag-angat sa buhay at pagkamit ng kaginhawan ay importante para sa isang indibidwal. Para makamit ito, dumadaan sila sa proseso ng pag-unlad. At sa prosesong ito, makakamit ito sa pamamagitan ng pagpapa-unlad sa ekonomiya. Ang mga pagusbong ng mga industriya ay nakatulong upang makamit ng bansa ang nararapat na pagunlad nito sa usapin ng ekonomiya. Sa pagbibigay ng trabaho sa mga mamamayan at sa pagtulong sa mga sektor na kabilang sa produksyon nito, mapapa-unlad nito ang kabuuang kalagayan ng mga mamamayan. Sa kaso ng isang community-based industry gaya ng industriya ng bagoong sa Lingayen, Pangasinan, naging malaki ang naging tulong nito sa mga mamamayan. Ang industriya ng bagoong ay naging alternatibong pinagkukuhanan ng kabuhayan ng mangingisda at mamamayan sa bayan. Kaya naman, ang pag-unlad ng industriya ay may koneksyon sa kabuuang pag-unlad ng kalagayan ng buong bayan. Ngunit dahil sa sistemang panlipunan sa ating bansa, umusbong ang mga burgis na pananaw ng pagunlad sa kamay ng iilan. Kaya naman, sa ngalan ng tubo at kapital, naisawalang bahala ang kalagayan ng kalakhan para sa kanilang mga pansariling interes. At sa konteksto ng monopolyo kapitalismo na laganap sa buong mundo, tunay ba na makakasabay sa pagunlad ng industriya ang pagpapa-unlad sa kalagayan ng karamihan.