dc.description.abstract |
Isa ang Pilipinas sa mga bansang pinipigalot ng kahirapan sa Asya at sa buong mundo. Dahil sa patuloy na urbanisasyon kung saan tumutulak patungong mga kalunsuran ang maraming Pilipino sa pagnanasang mapaglalaanan sila ng mas maunlad na kabuhayan at serbisyong panlipunan ng pamahalaan, mas lumalaki ang bilang ng populasyon sa mga pook urban. Nagreresulta ito sa pagdami ng bilang ng mga mamamayang mahihirap sa mga lungsod dahil sa pagdagsa ng tao ay siya naman ang paghina ng kapasidad ng industriya at pamahalaan na tugunan ang pangangailangan ng lahat. Kakaiba ang manipestasyon ng pag-iral ng kahirapan at kagutuman sa mga pook urban, sapagkat talamak dito ang bentahan at pagkonsumo ng mga pagkaing itinapon na sa basurahan ng maraming kainan at kabahayan na para sa mga ordinaryong mamamayan ay nakasusulasok, at nakapagpapanginig lamanang Pagpag. Sa pag-aaral na ito, ay ginalugad ng mananaliksik ang apat sa pinakamalalaking slum communities sa Kamaynilaan upang mapatunayan ang existensiya ng pagpa-Pagpag sa bansa. Ang mga komunidad na ito ay ang mga sumusunod: Brgy. 128 (Smokey Mountain), Brgy. 105 (Aroma/Helping Land), Brgy. 129 (Daungan) at Brgy. Payatas sa Lungsod ng Quezon. Sa pag-aaral na ito, nagsagawa ng panayam ang mananaliksik sa 100 maralita upang malaman ang kanilang mga kadahilanan at saloobin sa kanilang araw-araw na pagkain ng Pagpag. Bukod dito, personal ding nakilahok sa pagbubukod-bukod at pagkain ng Pagpag ang mananaliksik upang mas mapalalim pa ang kaalaman at pang-unawa patungkol sa kalikasan ng ganitong uri ng pamumuhay. Dagdag pa rito, kumapanayam din ang mananaliksik ng mga eksperto sa larangan ng Medisina, Ekonomiks, Nutrition, at Sosyolohiya upang malaman ang implikasyon ng pagpa-Pagpag sa kalusugan, pagtingin sa lipunan, at pamumuhay sa impormal na ekonomya ng mga maralita. Kasama rin sa mga kinapanayam ang mga punong barangay at mga kagawad sa mga lugar na ito. Lumalabas sa pananaliksik na hindi lamang maiuugnay sa isa o iilang kadahilanan ang nagtutulak sa mga maralita upang mamagpag. Ang istraktura ng sistemang panlipunan at ang mga kondisyong nakapaloob dito sa pook urban na kanilang ginagalawan ay ang may malaking pananagutan upang kumain sila ng mga pagkaing galing na sa basurahan na pinamumugaran ng maraming mikrobyo. Sa huli, nakakaapekto ito ng hindi maganda sa kanilang kalusugan at pagtingin sa lipunan. Bukod pa rito, dahil natutugunan ng impormal na ekonomya ng pagpa-Pagpag ang mga pangangailan ng mga maralita, nagiging bibihira na lamang ang kanilang pagbisita sa mga merkado kung saan ayon sa kanila ay may mga bilihing masyadong mahal para sa kanila. Sa huling bahagi ng pananaliksik na ito, ginawan ng pagsusuri ng mananaliksik ang paglabag ng pag-iral ng Pagpag sa bansa sa right to food ng mga mamamayan. |
en_US |