Abstract:
Maaring mailarawan ang ilang dekada nang kalagayan ng agrikultura sa Pilipinas sa tatlong salita; hiwa-hiwalay, maliitan, at atrasado. Hiwa-hiwalay, sa paraang hindi sama-samang nagsasaka ang hanay ng mga pesante, maliitan sapagkat hindi pangmaramihan ang kadalasang moda ng pagtatanim, at atrasado sapagkat ang mga kagamitan at pamamaraan na isinasagawa sa agrikultura ay nahuhuli sa mabilis na pag-usad ng kasalukuyang siglo na ating ginagalawan. Nakikita ang edukasyon bilang isang makapangyarihang tugon sa lumalalang problema nito. Nilalayon ng pananaliksik na suriin ang inilunsad na alternatibong paaralan para sa pagsasaka sa rehiyon ng Bikol, ang Paaralan para sa Siyentipiko at Makamasang Pagsasaka, sa ilalim ng FARMER Inc. na siyang nagsulong ng pag-aaral sa mga inobasyon ukol sa pagsasaka sa kanilang mga estudyante. Sinuri ang pagiging epektibo ng paaralan batay sa layunin, kurikulum, pasilidad, mga instruktor, at ang mga natutunan ng mga naging estudyante nito sa pamamaraan ng Key Informant Interview at Source Triangulation. Matapos ang pangangalap ng kinakailangan na datos, nahinuha na maituturing nang napakalaking hakbang ng pagtataguyod ng paaralan sa rehiyon sa pagpapataas di lamang ng kaalaman ng mga magsasaka kundi ng antas ng kanilang pakikibaka para sa lupa. Bilang isang nagsisimula pa lamang na institusyon sa pag-aaral ay marami pa itong kailangang pagbutihin sa usapin ng kaakmaan ng kurikulum gayundin ang pagsisigurado ng aplikasyon ng mga ito sa kanilang mga estudyante. Sa pagsusuma, mabisang sandata ang edukasyon sa pagtatanggol sa karapatan ng mga magsasaka at nararapat lamang na mas marami pang rehiyon ang sumunod sa landas na tinatahak ng rehiyon ng Bikol at ng sektor ng mga magsasaka nito.