dc.description.abstract |
Matagal nang nakaukit sa kasaysayan ng Pilipinas ang penomenon ng migrasyon. Ang kasalukuyang kalikasan nito ay mapagsamantala, nakasasama, at nakapipinsala (disadvantageous) sa mga migrante — isang manipestasyon sa kasalukuyang hindi makatarungan na pagtrato sa kanilang sektor. Ang pananaliksik na ito ay isang kontribusyon sa malawak nang diskusyon at pag-aaral ukol sa mga migranteng manggagawa ng Pilipinas, at brodkast midya. Siniyasat ng pag-aaral na ito ang representasyon ng mga migranteng manggagawa sa midya, partikular na sa brodkast midya. Napansin din ng mananaliksik kung paano itinataguyod ng lipunan ang papel ng mga migranteng manggagawa — bilang mga "makabagong bayani" — kung paano hinihikayat ng pamahalaan ng Pilipinas ang pagpapadala ng lakas-paggawa sa iba't ibang parte ng mundo, at kung paano nakasandig ang ekonomiya ng bansa sa kanilang ipinapadalang remittances. Ang layunin ng pananaliksik na ito ay upang kritikal na suriin ang representasyon ng mga migranteng manggagawa sa brodkast midya. Sa karagdagan, layunin din nitong ipabatid at ipaintindi sa publiko ang kalagayan ng mga migranteng manggagawa sa kasalukuyan upang mapalakas ang adbokasiya para sa kanilang pantay na karapatan at proteksyon lalo na sa ibayong dagat. Ang ginamit na metodo ng mananaliksik ay ang pakikipagpanayam sa mga kinauukulan at apektadong miyembro ng lipunan. Kasabay ng pagsasaliksik sa mga programa ng lokal at pambansang pamahalaan, at mga programang pang-brodkast na nakatuon sa mga migranteng manggagawa, kritikal na sinuri ng mananaliksik ang proseso kung paano ipinapakita ng brodkast midya ang pagkatao at mga karanasan ng mga migranteng manggagawa sa iba't ibang mga bansa. Ang presentasyon ng datos ay nahahati sa pitong bahagi. Napatibay ng mananaliksik ang pananaw na itinuturing bilang mga produkto sa merkado lamang ang mga manggagawa — at sa halip na ang Pilipinas ang lumilikha ng mga kagamitan, sa ilalim ng labor export program na pinapatupad ng pamahalaan ay ang mga Pilipino ang nagiging mismong kayamanan. Nananawagan ang pag-aaral na ito para sa suporta ng estado, at sa susunod pang mga mananaliksik sa higit pang pagpapalalim ng pag-aaral tungkol sa mga migranteng manggagawa upang matulungan ang kanilang hanay. Kinakailanganing palakasin ng mga migranteng manggagawa ang kanilang koneksyon sa midya dahil sa pamamagitan ng kanilang interaksyon sa midya, napakalaki ng magiging ambag ng kanilang sektor sa pagbabalita ukol sa usapin ng migrasyon. Ang kakulangan sa sapat na pagsasaliksik ukol sa kanilang representasyon sa midya ay maaaring isa sa mga dahilan kung bakit nagpapatuloy ang penomenon na ito sa bansa, at ang iba't ibang klase ng pang-aabuso at pagsasamantala laban sa mga migranteng manggagawa. Ito — at ang layunin upang makapag-ambag sa pagpapalakas ng adbokasiya ukol sa pagsusulong ng interes at proteksyon ng mga migranteng manggagawa — ang nagsilbing motibasyon ng mananaliksik upang gawin ang pag-aaral na ito. |
en_US |