dc.description.abstract |
Ang Norzagaray ay isang munisipalidad sa Bulacan kung saan matatagpuan ang Angat at Ipo Dam na siyang dahilan kung bakit mayroong tuloy-tuloy na suplay ng tubig sa kalunsurang Maynila at iba pang karatig nitong bayan. Sa Barangay San Mateo, Norzagaray matatagpuan ang Ipo Dam, ang dam na nasa ilalim ng pamamahala ng Metropolitan Waterworks and Sewerage Systems (MWSS) na siyang pinagmumulan ng tubig ng Maynila. Bagamat matatagpuan sa barangay na ito ang pinagmumulan ng rekurso, ang mga mamamayan nito ay dumaranas ng kawalan ng likas-kayang patubig. Ang impormasyon na ito ay napag-alaman ng mananaliksik nang siya ay nagsagawa ng praktikum sa lugar. Mula sa impormasyong nakalap sa praktikum ay napili ng mananaliksik na bigyang pokus ang kalagayan ng kababaihan ng San Mateo, Norzagaray upang maipalaam sa nakararami ang epekto ng kawalan ng likas-kayang patubig sa kanilang buhay at kabuhayan at kung paano sila umangkop batay sa kanilang pangangailangan. Upang malaman ang tunay na kalagayan ng kababaihan ng San Mateo, Norzagaray ay nagtungo ang mananaliksik sa dalawang sitio ng barangay bilang mga pokus at batayan ng kanyang magiging pag-aaral. Sa pananaliksik na ito ay nagsagawa ng sarbey at mga panayam ang mananaliksik sa mga mamamayan ng Sitio Compra at Sitio Lawasan. Upang magkakaroon ng kritikal ng basehan sa pag-aaral ay nagsagawa rin ang mananaliksik ng panayam sa mga opisyal ng pamahalaan, mga propesor at mga dalubhasa upang mapalawak at mapalalim ang kaalaman tungkol sa mga aspetong may kaugnayan sa kalagayan ng San Mateo, sa rekursong tubig at sa kasalukuyang kalagayan ng lipunan. Mula sa naging pag-aaral ay nalaman ng mananaliksik ang iba't ibang aspetong naapektuhan ng kawalan ng likas-kayang patubig sa buhay at kabuhayan ng kababaihan ng San Mateo, Norzagaray. Sa huli, ang sistemang umiiral sa kasalukuyang mundong ating ginagalawan ang dahilan sa likod ng nararanasang kawalan ng akses sa likas-kayang patubig ng mamamayan ng San Mateo, Norzagaray. |
en_US |