Abstract:
Ang pananaliksik na ito ay ukol sa kritikal na pagsusuri sa kalagayan ng mga guro ng senior high school sa ilalim ng K to 12 na programa sa mga piling pampublikong sekundaryang paaralan sa lungsod ng Las Piñas. Kabilang sa mga sinuri ang kredensiyal, kursong itinuturo, desisyong magturo sa senior high school, mga pasilidad at kagamitan, at ang papel na ginagampanan ng paaralang kinabibilangan, lokal na Kagawaran ng Edukasyon, at lokal na pamahalaan. Ipinakita ng pananaliksik na itong hindi tunay na maayos ang kalagayan ng mga guro ng senior high school sa mga piling pampublikong sekundaryang paaralan. Inihayag ng pag-aaral na nakokompromisa ang kalidad ng edukasyon sapagkat hindi wastong naipatutupad ang mga kwalipikasyon ng guro bago ito makapagturo sa senior high school, na sang-ayon sa batas at kwalipikasyong isinaad ng Kagawaran ng Edukasyon. Gayundin, malaki pa rin ang suliraning kinakaharap ng mga gurong ito dahil may kakulangan pa rin sa mga pasilidad at mga kagamitan sa paaralang kanilang kinabibilangan. Dagdag pa rito, ang mga institusyon tulad ng paaralang kinabibilangan, lokal na Kagawaran ng Edukasyon, at lokal na pamahalaan ng Las Piñas, ay may malaking gampanin sa pagpapaunlad ng mga guro. Ngunit sa kasalukuyan ay hindi gaanong nagiging epektibo ang mga programa ng mga nabanggit at tila naging malabnaw at pabalat-bunga lamang ang mga ito. Bilang konklusiyon, isinaad ng pananaliksik na itong kasalukuyang kalagayan ng mga guro ay hindi maayos at ginagamit ang pagiging bulnerable nila ng neoliberalismo upang magpahayag ng puro teknikal na aspeto ng edukasyon at malabnaw na mga konseptong pilosopikal na nakasandig sa ikakaunlad ng kapitalistang sistema. Gayundin, ang mga ito ay napapailalim sa pananamantala ng sistema at pinipigilang maging kritikal sa larangan ng edukasyon. Bagaman ang tunay na kalagayan ito ay kapus-palad, naglatag ang mananaliksik ng mga suhestiyon upang makatulong sa pagpapabuti at pagpapaunlad ng mga guro ng senior high school, gayundin, upang mamulat at maging kritikal ang mga ito sa tunay na kalagayan ng lipunan upang maihatid nila sa mga mag-aaral ang makabayan, siyentipiko, at makamasang uri ng edukasyon.