Abstract:
Matagal nang ikinakampanya ng DENR, sa pamamagitan ng iba't ibang mga programa nito, ang pagbabalik ng mga kapunuan ng Pilipinas matapos itong kamuntikan nang maubos dahil sa illegal logging noong mga panahong pangunahing eksporter ng troso ang Pilipinas. Ang pinakatanyag sa mga programang ito ang National Greening Program, kung saan dahil sa tagumpay 'di umano nito ay pinalawig pa lalo ang pagiimplementa rito. Itinuring bilang prayoridad na proyekto dahil sa mabilis na pagkaubos ng kagubatan sa Pilipinas kung saan umabot sa punto na ang sukat ng kagubatan ng Pilipinas ay naging 6.840 milyong ektarya na lamang mula sa dating sukat nito na 30 milyong ektarya. Ang pangunahing layunin ng pag-aaral na ito ay matukoy ang nagiging epekto ng programang reforestation na ito sa mga nagkakaingin sa probinsya ng Rizal. Mahalagang matukoy ang relasyon ng dalawang ito dahil ang kalakhan ng nagkakaingin sa probinsya ng Rizal ay nakasandig dito bilang kanilang pangunahing hanapbuhay. Kinapanayam ang mga katutubo mula rito upang makakuha ng pangunahing impormasyon mula sa prinsipal na naaapektuhan ng programa. Tinalakay rin ng pag-aaral na ito ang konsepto ng pagkakaingin at kung bakit mahalaga ito sa ekolohiya ng Pilipinas at kung paaanong malaki ang magiging ambag nito sa isinasagawang reforestation ng gobyerno. Susi ang konsepto ng ecological succession at intermediate disturbance hypothesis para dito upang pabulaanan ang mga paratang na nakapag-aambag ang pagkakaingin sa pagkakalbo ng kagubatan, pagbabago ng klima at pag-iinit ng mundo.