Abstract:
Ang tagumpay ng isang indibidwal ay nagsisimula sa loob ng kaniyang tirahan. Maganda man ang ideya na ito ngunit taliwas ito sa realidad ng mga informal settler na mismong ang tirahan nila ang sumasakal at bumabaon sa kanila sa kahirapan. Ang pagkakaroon ng sarili at maayos na tirahan ay isa sa mga pangunahing pangangailangan ng bawat indibidwal. Makikita na sa Pilipinas ay napakarami at patuloy na dumarami ang mga mamamayan na nananatili sa di permanente at di pormal na tirahan o mas kilala sa tawag na informal settlers. Nagpatupad ng mga batas at polisiya at nagbuo ng mga ahensiya ang gobyerno upang solusyonan ang problema ng mga informal settlers. Ngunit hanggang ngayon ay wala pa ring nakikitang pagbabago o pag-angat sa kalagayan ng mga informal settlers. Ang tinaguriang "murang pabahay at pa-lupa" ay hindi maituturing na "mura" para sa mga informal settlers. Sa dinami-rami ng mga programa at proyekto ng pamahalaan ukol sa "murang" pabahay, marami pa rin ang nagpapasya na manatili na lamang sa isang maliit, masikip at di maayos na tirahan kaysa lumipat sa relokasyon. Negosyo, hindi serbisyo ang naging porma ng mga programang isinasagawa ng pamahalaan. Ito ang patuloy na sitwasyon ng mga informal settlers. Ang pananaliksik na ito ay nakatuon sa plano at implementasyon ng Zero Squatter Program sa Samahang Binhi Homeowners Association Inc. sa Angono, Rizal. Sa pamamagitan ng paglubog kasama ang mga kasapi ng samahan, pag-aaral ng mga dokumento, sarbey at panayam, inilalahad ng pag-aaral na ito ang sanhi ng paglubog ng kabuhayan ng mga naging benepisyaryo ng programa. Ipinapakita ng pananaliksik na ito na hindi nakakulong sa "pabahay" ang problema ng mga informal settlers.