Abstract:
Ang kasaysayan ng bawat katutubo ay nagsisimula sa alingawngaw ng iyak ng kaniyang pagsilang, nagpapatuloy sa pamamagitan ng pagpapairal ng sariling sistema ng pamumuhay na naaayon sa lipunang ginagalawan, at nagwawakas sa mainit na yakap ng lupang kaugnay ng kaniyang pagkatao. Subalit nasisira ang siklong ito sa pagpasok ng mga mapanirang taga-labas sa kanilang teritoryo. Ninanais ng mga ito na mapakinabangan ang mga likas na yamang matatagupuan sa lugar. Para sa mga katutubo, itinuturing nilang sagrado ang lupa. Kaya naman ang unti-unti nitong pagkasira ay nangangahulugan sa unti-unti ring pagkamatay ng kanilang lahi. Kasabay din nito ang pagsuko ng kanilang mga karapatan, lalong lalo na ang karapatan sa sariling pagpapasiya. Isinisiwalat ng tesis na ito ang parehong sitwasyon na nabanggit at kasalukuyang estado ng mga katutubong Yapayao sa Adams, Ilocos Norte. Ang pag-aaral na ito ay nakasentro sa epekto ng isang ni-legalisang panukala ng DENR sa sosyo-ekonomikong aspeto ng pamumuhay ng mga Yapayao na naninirahan sa lugar. Binibigyang lalim din ang epekto nito sa kanilang kalayaan na pagpasyahan ang takbo ng kanilang pamumuhay. Upang mas makabuluhan ang bunga ng pag-aaral na ito, tumungo ang mananaliksik sa Adams upang magsagawa ng kwentong-buhay at direktang marinig mula sa komunidad ang lawak ng epekto ng Adams Wildlife Critical Habitat Management Plan sa kanilang sosyo-ekonomikong pamumuhay. Kumapanayam din ang mananaliksik ng mga taong may kaugnayan at may nalalaman ukol sa nasabing isyu. Sa huli, lumabas sa pag-aaral ang mga epektong dulot ng panukala sa buhay at karapatan ng mga katutubong Yapayao sa Adams. Kasabay ng pagpasok nito sa komunidad ay ang limitadong galaw ng komunidad at bahagyang pag-istorbo sa siklo ng kanilang pangaraw-araw na pamumuhay. Nangangahulugan ito sa kawalan ng kabuhayan buhat ng pagbabakod sa kabundukan, banta sa food security bilang ang lupa ang pangunahing bumubuhay sa kanila, pagtapak sa kanilang karapatan sa sariling pagpapasya bilang walang ibang nagmamay-ari sa kanilang lupaing ninuno kundi ang mga katutubo. Nalinang ng tesis na ito ang kahulugan ng terminong "kaunlaran" sa iba't ibang perspektiba.