Abstract:
Nakikitang liwanag sa madilim na landas ng kaunlaran sa kanayunan ang pagtataguyod ng industriya ng agriturismo sa mga lokal na komunidad subalit isang malaking balakid ang kawalan ng akses ng mga magsasaka sa iba't ibang uri ng kapital upang maging matagumpay ang pagpasok ng mga magsasaka sa agriturismo. Ang kasalukuyang ginagawa ng pamahalaan ay ang pagpapakilala ng solusyon na nakasandig sa ideolohiyang indibidwalismo kung saan ipinapasa nito ang tungkulin sa mga panginoong may lupa, kapitalista o magsasakang may sapat na kapital at kakayahan upang buksan ang kanilang bukirin sa turismo na siyang lilikha ng mas maraming trabaho sa komunidad. Ang ganitong eksternal na benepisyong handog ng industriya ang dahilan sa positibong pananaw at paniniwala ng mga katugon na mahalaga ang agriturismo upang umunlad ang kanilang komunidad. Naniniwala rin ang mga katugon na mahalaga ang papel ng agriturismo sa pag-unlad ng agrikultura dahil sa patuloy na paghikayat nito sa pagsasapraktika ng moderno at sustenableng paraan sa pagsasaka. Gayunpaman, nanatili pa ring mailap ang mga magsasaka sa pagsasapraktika ng organikong pagtatanim at ito ay nakaugat sa kulturang nakasanayan at sa mga problemang patuloy na nakaugat sa sektor ng agrikultura. Samakatuwid, nararapat na isalang-alang na ang agriturismo ay hindi magiging sustenable at epektibo lalo na't nanatiling bulok ang sistema sa sektor ng agrikultura. Ang pagpapaunlad ng agrikultura ay ang unang hakbang upang maiangat ang pamumuhay ng mamamayan sa kanayunan at ang pagsasakatuparan ng tunay na repormang agraryo ay ang daan sa tunay na pagbabago at kaunlaran na huhubugin ng kolektibong kapangyarihan ng masang mulat.