Abstract:
Biktima ng malalang kahirapan sa sariling bansa, ikinakalakal silang mga kababaihan sa dayuhang bansa. Bitbit ang maleta, pasaporte at alaala ng kanilang mga anak, asawa at mahal sa buhay, tumutungo sa dayuhang bansa upang doon abutin ang kanilang mga pangarap. Tinulak ng malawak na kawalan ng nakabubuhay na trabaho, kawalan ng lupa, at kakulangan ng basehang serbisyo, napipilitan silang kumapit sa patalim at makipagsapalaran sa ibang bansa upang doon sana makaipon, makapagpundar at nang sa huli ay mabago ang kanilang estado ng pamumuhay. Sila ang mga bagong bayani. Ang milyun-milyong dolyar na kanilang ipinapadala ang sumasalba sa ekonomiya ng bansa. Ngunit hindi lahat ay nakakabalik ng matiwasay sa bansa. Humaharap sila sa iba't ibang panganib at pananamantala: mula sa paglabag ng amo sa kanilang kontrata, pisikal at berbal na abuso hanggang sa istruktural na karahasan dulot ng lipunang neoliberal at pyudal-kapitalista. Sanhi ng mga ito, marami ang nagkakasakit, mapapisikal man o mental habang nasa ibang bansa at kahit matapos makabalik sa Pilipinas. Ang ilan pa ay nagtatamo ng malalang kapansanan na sumisira hindi lamang sa pagkakataon nilang muling maging bahagi pa ng lakas paggawa, kundi pati sa pangarap na guminhawa at mapagtapos ang mga anak. Isinalaysay ng pananaliksik na ito ang mga kwentong-buhay ng pakikibaka ng mga babaeng OFW returnee para sa kalusugan at kaginahawaan. Nakatuon ito sa kalagayan ng mga babaeng migrante na bumalik sa Pilipinas, lalo na ang mga nagtamo ng trauma, sakit o kapansanan. Tinatalakay nito ang kanilang mga pangangailangan at suliranin hinggil sa pagkamit ng kalusugan at kaginhawaan. Sinusuri rin nito ang pamamaraan ng pagtugon ng gobyerno sa sumisidhing kalagayan ng mga mangagagawang migrante.