Abstract:
Higit pa sa pagiging mga ilaw ng tahanan, nagsisilbi ang mga ina bilang pundasyon ng bahay at buhay ng pamilya. Sa Pilipinas, kung saan 50.7% lamang ang partisipasyon ng kababaihan sa lakas paggawa, higit na mababa kumpara sa kalalakihan na may 78.6% (BLES, 2015), nananatiling kompromisado ang pagtingin ng karamihan sa lakas, kakayahan, at kaalaman ng manggagawang kababaihan. Patuloy na iginagapos ng patriyarka at binabalahaw ng malapyudal at malakolonyal na lipunan ang hanay ng mga babaeng nagsisikap at naghahangad ng mas patas na pagtingin at ganap na pagsasakapangyarihan. Kung kaya't nilayon ng pananaliksik na ito na mabigyangatensyon at linaw ang iba't ibang isyung panlipunang kinapapailaliman ng kababaihang manggagawa, partikular sa impormal na sektor; ang kababaihang mag-uuling. Gamit ang mga kritikal na lente, sinuri ang umiiral na sosyo-ekonomikong kondisyon ng mga babaeng mag-uuling sa Brgy. Puray, Rodriguez, Rizal, gayundin ang relasyon ng mga naturang manggagawa sa kalikasan at ng pag-uuling sa kanilang kalusugan. Sa kabuuan, natagpuang nananaig pa rin ang pyudal at patriyarkal na sistema sa hanay ng impormal na lakas-paggawa habang lubhang nakokompromisa ang lagay ng kalikasan at maski ng kanilang kalusugan. Bukod sa mababang kita mula sa pag-uuling, lumalabas na nagunguna ang kababaihan sa mga pinakabulnerable sa pagkaubos ng mga puno o rekurso at pagtama ng mga kalamidad bunga ng kawalan ng akses at oportunidad, lubusang pagsandig sa kalikasan, at patong-patong na tungkuling kanilang pinapasan. Sinasalamin ng masikhay ngunit maralitang kababaihan sa ulingan ang lubhang pangangailangan na wakasan ang lahat ng porma ng pagtatangi laban sa kanilang hanay, para sa ganap na paglaya at pagkamit ng tunay na kaunlaran.