Abstract:
Ang uring magsasaka ay ang uring mapagpalaya. Ito ay isang magandang ideya, taliwas sa realidad kung saan ang sektor na kinabibilangan ng mga magsasaka ang siya pang mas sumasakal sa kanila sa matinding kahirapan. Nagdaan na ang ilang administrasyon at naisulong na umano ang repormang agraryo sa bansa, ngunit walang nakitang magandang pagbabago sa kalagayan ng mga magsasaka. Dahil sa kawalang-kasiguraduhan ng mga polisiyang ipinatupad na sa bansa, malawakan ang naging pagmulat ng mga magsasaka at paglaban upang makamit ang kanilang karapatan sa usaping agraryo. Ang pagtindig na ito ay agarang ginawan ng kontra-atake ng mga naglalakihang pamilya at indibidwal upang maapula ang laban ng mga magsasaka. Kasama sa pag-atakeng ito ay ang kriminalisasyon at iba pang panggigipit sa mga magsasaka. Kriminal, hindi magsasakang sumusubok ipagtanggol ang sarili. Kriminal, hindi magsasakang naninindigan para sa kanyang karapatan. Kriminal at hindi magsasakang naghahain sa hapag ng iba kahit siya ay walang mailaman sa tiyan. Ito ang matagal na at nagpapatuloy pa ring sitwasyon ng mga magsasaka sa Pilipinas. Ang pananaliksik na ito ay nakatuon sa kriminalisasyon at iba pang porma ng panggigipit sa uring magsasaka partikular sa Hacienda Uy sa Bondoc Peninsula, lalawigan ng Quezon. Mula sa paglubog kasama ang mga magsasaka, mga kasong aralin, at mga panayam, inilalahad ng pag-aaral na ito ang iba't ibang porma ng kriminalisasyon, ang dahilan sa pananatiling bulnerable ng mga magsasaka sa legal na panlalamang, at ang mahalagang tungkulin na nakaatang sa balikat ng mga masang organisasyon sa pagharap sa kriminalisasyon at pagsusulong sa kabuuang karapatan ng mga magsasaka.