Abstract:
Ang kalsada ay isang daan tungo sa kaunlaran. Kalakip ng mga kalsada ang mabilis na urbanisasyon sa kanayunan at ito ay nagbibigay ambag sa pagkakaroon ng mga espekulasyon sa lupang nakapaligid dito. Ang espekulasyon sa lupa ay ang pamumuhunan sa mga lupa kagaya ng mga tiwangwang, agrikultural, at katutubong lupa na maaaring gamitin sa komersiyal na layunin. Ang espekulasyon sa lupa ay nagbibigay kontribusyon naman sa pagkakaroon ng mga pagpapalit-gamit ng lupang agrikultural tungo sa industriyal, residensiyal, at komersiyal kung kaya't ang mga magsasaka ang pinakamaapektuhan. Sa hilagang bahagi ng Pilipinas ay matatagpuan ang pinakamahabang tollway sa bansa, ang Subic-Clar-Tarlac Expressway. Naging mainit ang mata ng mga tagausig o speculators sa mga lupang sa paligid nito upang gawing isang residensiyal, at komersiyal na distrito. Ngunit hindi pabor ang mga magsasaka ng Porac, Pampanga sa proyektong ito. Upang direktang makita ang epekto ng espekulasyon sa lupa sa buhay ng mga magsasaka, nagtungo ang mananaliksik sa Hacienda Dolores sa Porac, Pampanga na isa sa mga naapektuhan ng espekulasyon. Sa pamamagitan ng kuwentong buhay ng magsasaka ay inalam ng mananaliksik ang mga epekto ng pagbabakod sa bukid na nakaugat sa espekulasyon sa lupa. Higit pa rito, inalam din ang mga paraan ng pagtugon ng mga magsasaka sa mga epekto ng espekulasyon sa lupa at ang maiaambag nito upang makamit ng mga magsasaka ang kanilang pagsasakapangyarihan, at ang kanilang tunay na pangkomunidad na kaunlaran.