Abstract:
Ang thesis na ito ay naglalayong sagutin ang katanungang: Paano mauunawaan ang Pagdiriwang ng Buling-buling sa Pandacan, Maynila? Upang mabigyang kasagutan ang tanong na ito, ang mananaliksik ay nangalap ng mga datos mula sa iba’t ibang aklat, souvenir programs, journals, mga diyaryo at pati na rin sa internet. Nagtalaga rin ng pakikipanayam ang awtor sa iba’t ibang tao na may kinalaman sa pestibal na ito. Nagsagawa rin siya ng survey/sarbey para sa mga nakikilahok na mga guro mula sa dalawang paaralan sa Pandacan. Naging participant-observer din ang mananaliksik sa mismong araw ng pestibal na ginanap noong Enero 14 2012. Gumamit siya ng descriptive analysis sa pagtatalakay ng mga konseptong bumubuo sa sayaw at pagdiriwang ng Buling-buling. Sa pag-aaral sa salitang Buling-buling ay gumamit siya ng Semantics at nakabuo ng balangkas-diwa ayon dito. Bilang resulta ng mga ginawang pananaliksik, natuklasan na ang Buling-buling bilang sayaw pag-aalay ay nagmula pa noong 1800s at ito ay ginaganap isang araw bago mag-pista ng Santo Nino. Ang layunin ng sayaw na ito ay wupang makapag-alay ng pasasalamat at papuri sa patron ng Pandacan. Ang salitang Buling-buling ay nagmula sa salitang “Buling-buli” na ayon sa mga taga-Pandacan ay "“magandang-maganda at makinis na makinis”. Nakabuo ng konsepto ang awtor ayon sa pag-aaral sa salitang Buling-buling at natuklasan na ang sayaw ay maaaring isang proseso ng iba’t ibang uri ng pag-aalay. Ang bawat steps ng sayaw na ito ay may kahulugan at dapat na sundin ng mga mananayaw. Itinakda itong Official Cultural Dance Identity of the City of Manila sa bisa ng City Council Resolution Number 65. Sa kasalukuyan ay kilala rin ang Bulingbuling dahil sa nagaganap na kontrobersyang pagkakaisa ng Iglesia Filipina Independiente (Aglipay Church) at ng Santo Nino de Pandacan Parish (Romanong Katoliko) na parehong Santo Nino ang imaheng sinasamba. Dumadaan sa maraming pagbabago ang Buling-buling, ngunit ayon sa mga nakapanayam ay patuloy pa rin silang sumasali dahil sa pananampalataya nila kay Santo Nino. Mahalaga ang Bulingbuling para sa mamamayan ng Pandacan dahil bahagi na ito ng kanilang kultura na mahirap nang kalimutan. Ang Buling-buling ay kasalukuyang pinamamahalaanan ng SSKP (Samahang Sining at Kalinangan ng Pandacan) sa tulong din ng lokal na pamahalaan, ng dalawang simbahan sa Pandacan at ng mga baranggay. Lahat ay may kanya-kanyang kontribusyon para sa Buling-buling ngunit narapat lamang na magkaroon ng balanse sa pamamahala nito at panatilihin ang sagradong kahalagahan ng sayaw na Buling-buling.