Abstract:
Ang pag-aaral na ito ay pumapaksa sa pag-alam at pagtukoy ng konsepto ng katatakutang nakapaloob sa mga pelikula ng Shake, Rattle and Roll mula 1984 hanggang sa huli nitong produksiyon noong 2012. Labing-apat na pelikula ang ginamit sa pananaliksik na ito at bawat isang pelikula ay mayroong 3 episode. Nilalayon ng pananaliksik na tukuyin ang mga elemento ng katatakutan na ginamit sa mga pelikula at analisahin saang kategorya ng katatakutan kabilang ang bawat episode. Mula sa mga buod ng bawat episode, ang mga ito ay binanghay ayon sa kategorya ng katatakutan na Uncanny Horror, Marvelous Horror, Rural Horror, Occult Horror at Erotic Horror. Humugot din ng mga elemento ng katatakutan na lumitaw sa mga pelikula – hindi pangkaraniwang nilalang, hindi inaasahang bagay, at multo. Sa mga nasabing kategorya at elemento ng katatakutan, nakabuo ng konsepto ng katatakutan gamit ang pormulang nakita. Napatunayang ang mga pelikulang Shake, Rattle and Roll ay tuwirang gumagamit ng elemento ng katatakutan na hindi pangkaraniwang nilalang tulad ng aswang, halimaw at engkanto. Pagkatapos lagyan ng mga kuwentong naglalaman ng nasabing elemento ng katatakutan, sasamahan ito ng mga kuwento patungkol sa mga espiritong hindi matahimik o multo. Hinahaluan din ito ng kanilang sariling paraan ng pananakot kung saan tinatampok ang mga bagay na hindi inaasahang magdala ng kababalaghan. Sa pamamagitan ng pormulang naisaad, nagkakaroon ng patterned experience ng pagkasabik, kababalaghan at pagbitiw ng emosyon ang mga manonood. Nagkakaroon ng sariling pagkilala ang mga manonood sa mga pelikulang Shake, Rattle and Roll dahil sa mga nasabing elemento at pormula. Nagkakaroon din ng malinaw na pagkilala sa genre ng katatakutan dahil alam na ng manonood ang kanilang aasahan.