Abstract:
Ang karera ng kabayo ay isa sa mga pagsusugal kung saan maraming lumalahok na mga Pilipino. Sa industriya ng karera, mahalagang elemento ang mga karerista sapagkat sila ang isa sa mga pinagkukunan ng kita ng mga karerahan. Dahil dito, mahalaga na malaman at maunawaan ang konsepto at karanasan ng mga karerista patungkol sa karera upang mas masiyasat ang kultura at mga kahulugang nakapaloob dito. Ang pangunahing layunin ng pananaliksik na ito ay makabuo ng isang kultural na konstruksyon sa konsepto ng karera ayon sa perspektibo ng mga karerista. Nagsiyasat ang pag-aaral sa konsepto, kahulugan, at karanasan ng mga karerista na may kaugnayan sa karera at itinala rin ang mga terminolohiyang kanilang ginagamit sa naturang uri ng pagsusugal. Ang pananaliksik ay gumamit ng kuwalitatibong disenyo ng pag-aaral partikular na ang etnograpiya sa pagbuo sa konsepto ng karera. Nagkaroon ng mga pagsunod-sunod sa impormante at personal na pakikipanayam sa dalawang kareristang kalahok mula sa San Lazaro Leisure and Business Park habang nagsagawa naman ng mga obserbasyon sa Harizz OTB. Ang mga datos na nakalap mula sa mga impormante ay isinailalim sa tematikong pagsusuri. Batay sa mga naging resulta, nakaimpluwensiya ang pamilya at kapaligirang kinalakihan ng mga karerista sa kanilang pagsisimulang magkarera. Ang personal na adhikain naman ang nag-uudyok sa kanila na magkarera sa kasalukuyan. Nakikita ng mga karerista ang karera bilang hanapbuhay, libangan, at sugal. Mayroon ding iba‟t ibang salik na nakakaapekto sa kanilang pagkakarera gaya ng panahon, hinete, at may-ari ng kabayo. Panghuli, mayroon ding iba‟t ibang terminolohiyang ginagamit ang mga karerista na kadalasan ay sa karera lamang ginagamit.