Abstract:
Kahirapan pa rin ang nanatiling pangunahing dahilan kung bakit may mga bata na sa halip na pumasok sa paaralan ay natututong maghanap-buhay at tumulong sa kanilang mga magulang. Sa kanilang murang edad, namulat na ang mga batang ito na kinakailangang palakihin ang kita ng kanilang pamilya para matugunan ang kanilang kolektibong pangangailangan. Lubhang mas bulnerable ang mga batang manggagawa mula sa panganib na maaaring maidulot ng kanilang gawain kung ihahambing sa mga nakatatanda sa kanila. Nasa yugto pa rin ng paglaki at pag-unlad ang kanilang mga katawan at kinakailangan pa rin nilang matutong magbasa at magsulat upang maging mga produktibong indibidwal ng ating lipunan.
Sa kabila ng regulasyon ng pamahalaan, nananatiling mahalagang usapin ang paggamit ng bata sa paggawa na nangangailangan ng masusing pagsisiyasat at maayos at episyenteng implementasyon ng mga batas at polisiya ukol rito. Sa ilang pagkakataon, maituturing pa rin na may malaking agwat o "gap" sa pagitan ng batas at sa pagsasapraktika nito.
Ang materyal na kondisyon ng kahirapan ang humuhubog sa kultura ng pagtanggap ng mga tao sa kanayunan sa tuwing makakakita sila ng mga batang manggagawa sa bukid. Hindi na kakaiba para sa kanila ang penomena ng child labor. At dahil naging parte na ito ng kultura sa isang komunidad, nararapat lamang na maging mas kumprehensibo ang hakbangin ng pamahalaan upang masugpo ito.