Abstract:
Sa kabuuan, ang pag-aaral na isinagawa ay naglalayong matasa ang dalawang piling unyon sa pagawaan sa Metro Manila. Tinignan nito ang persepsyon ng mga manggagawa tungkol sa kahalagahan ng
pagbubuo ng unyon at ang relasyon nito sa kanilang paggampan ng kanilang gawain
bilang mga kasapi ng unyon. Layunin din nitong matignan ang mga gawain ng unyon,
ang istruktura nito, ang paggawa ng desisyon, ang collective bargaining nito at
paghambingin ang dalawa upang makita kung alin ang mas epektibo o kung pareho ba
silang epektibo. Ang manunulat ay gumamit ng mga libro at babasahin tungkol sa kasaysayan ng
unyonismo sa Pilipinas at sa mga gabay sa pag-uunyon at iba pang kaugnay na literatura.
Gumamit din ang awtor ng kwalitatibong pananaliksik gayundin ang kwantitabong
pananaliksik gamit ang talatanungan na siyang sinagutan ng mga manggagawa sa
dalawang pagawaan. Tinignan din kung paano ang pagtrato ng manedsment sa mga
miyembro ng unyon gamit ang istoriko materyalismong pananaw na nakatuon sa relasyon
ng produksyon. Ang manunulat ay may konklusyon na ang dalawang unyon ay naging epektibo sa
pagsulong ng interes ng mga kasapi nito at kapwa manggagawa sa loob ng pagawaan
subalit ang unyon sa pagawaang Asahi ang mas higit na komprehensibo at mas marami
ang benepisyo sa kanilang Collective Bargaining Agreement. Ang dalawang unyon ay
masasabing naging epektibo sapagkat natutugunan nito ang mga problema ng mga
manggagawa sa loob ng pagawaan gayundin naman aktibo silang nakikilahok sa mga
isyung pambansa.