dc.description.abstract |
Noon pa man, malaki na ang naging bahagi ng kawayan sa kultura ng mga
Pilipino. Sa katunayan, hindi na mabilang ang mga kapakinabangang nakukuha rito.
Gamit ang kawayan, mayroong mga bahay na masisilungan. Bukod dito, maari ring
makalikha ang malikot na pag-iisip ng tao ng mga bagay na maaring maging laman ng
kanyang tahanan. Naihahambing din ang pag-uugali ng Pilipino sa kawayan kung kaya
nga nagsilbi rin itong inspirasyon sa paggawa ng mga awit at tula. Sa kasalukuyan, kinikilala ang Iloilo bilang “Bamboo Capital of the Philippines”.
Ito ay dahil sa malawak nilang plantasyon ng kawayan at malaking industriya na siyang
pinagkukunan ng pangangailangan ng mga Ilonggo. Sa pagpapalawig ng nasabing usapin,
tinutukoy ng pag-aaral na ito ang mga naging epekto ng malikhaing industriya ng
kawayan sa kultura ng mga taga Maasin, Iloilo at Jaro, Iloilo City. Dagdag pa nito, sinisilip din ng papel na ito ang kasalukuyang sitwasyon ng industriya kung saan kikilalanin ang mga nakikilahok dito tulad ng ahensya ng pamahalaan, mga asosasyon at
mga pagawaan. Kaalinsabay nito, kinikilala din ang kanilang mga naging partisipasyon
sa malikhaing industriya ng kawayan. Nilalahad din ng pag-aaral ang mga kasalukuyang
produktong yari sa kawayan pati na pangkalahatan (general) na proseso ng paggawa ng
mga ito. At dahil bago ang konseptong malikhaing industriya binibigyang pakahulugan
ng papel na ito ang nasabing konsepto ng sa gayon ay makita ang kahalagahang
ginagampanan ng malikhaing industriya sa kultura at ekonomiya ng bansa. Ang paggawa ng iba’t ibang mga produktong kawayan sa Maasin ay may mahaba
ng kasaysayan sapagkat ito’ y nagsimula pa noong panahon ng kanilang mga ninuno. Samakatuwid, tinuturing na nila itong tradisyon. Dekada ’90 naman ng magsimulang
magbigay tuon pansin ang mga pagawaan sa Jaro, Iloilo City sa paggamit ng kawayan
bilang pangunahing hilaw na materyales sa paggawa ng kanilang mga produkto. Karamihan sa mga produkto ng parehong nabanggit na lugar ay mga gawang
kamay (handcrafted). Dagdag pa nito, may mga kumbinasyon o halong iba pang
materyales ang mga produkto tulad ng metal, capiz, tela at marami pang iba. Patuloy ang
sinasagawa nilang pagpapaunlad sa kanilang mga produkto sa pamamagitan ng mga
pagsasanay at pagtingin sa iba’t ibang media gaya ng magazines at kompyuter. Nakikilala naman ang mga produktong iyon sa pamamagitan ng mga exhibition,
at mga selebrasyon gaya ng Iloilo Kawayan Market Week at Tultugan Festival. At upang
mapangalagaan ang nasabing kaalaman pati na kanilang kapaligiran, mayroong mga
paaralang may mga asignatura o nagbibigay mismo ng kurso patungkol dito. Umaagapay naman ang pamahalaan lain na ang DTI, mga ahensyang nasa ilalim
nito at mga asosasyon sa mga pagawaan upang lumago ang nasabing industriya sapagkat
malaki ang porsyentong naibabahagi nito sa kanilang ekonomiya. |
en_US |