Abstract:
Dahil sa pagpintog sa presyo ng bilihin at mababang produksyon ng bigas sa Pilipinas, naisabatas ang Rice Tariffication Law noong 2019. Sinabi ng pamahalaan na makakatulong ito para patatagin ang presyo ng bigas ngunit sinalubong ito ng oposisyon ng magsasaka. Ang pag-aaral na ito ay may layuning masuri ang sosyo-ekonomikong epekto ng RTL sa mga kababaihang magbubukid ng San Jose Matulid at Lupang Ramos. Ito ay isasagawa sa pamamagitan ng panayam at matalas na pag-aaral sa nilalaman at epekto ng batas. Natuklasan sa pag-aaral na ang polisiya ay nagdudulot ng kahirapan sa karamihan ng mga kababaihang magsasaka at sa katagalan ay nagiging rason sa pagbaba ng presyo ng palay, pagtaas sa presyo ng lokal na bigas, pagmahal ng mga kagamitan na ginagamit sa pagsasaka, at mababang produksyon ng bigas sa bansa. Sinasalim din ng pag-aaral na sa kabila ng layunin ng RA 11203 na gawing kompetitib ang sektor ng bigas sa bansa, mas lalo lang binigyang diin ang kawalan ng sariling lupa at kakulangan sa suporta ng mga magsasaka. Mahalaga na maunawaan ang epekto ng batas sa mga kababaihang magsasaka upang magsagawa ng mas epektibong polisiya na maka-magsasaka at makamamayan.