| dc.description.abstract |
Sa pagbubuo ng alternatibong balangkas pangkaunlarang nakaugat sa kolektibong
kagalingan ng abang uri at nakikipagtalaban sa mga makapamilihang
monoekonomikong paradigmang ipinapataw ng Pandaigdigang Hilaga, integral ang
kritikal na pagsusuri sa pagpopook (contextualization) at pagdadalumat
(conceptualization) ng mga magbubukid sa kaginhawahan bilang saligang hakbang ng
pagpapanday ng kontra-kulturang diskurso at pagbabalangkas ng mga batayan para sa
transpormatibo at makauring panlipunang pagbabago. Mula sa naging kritikal na
pakikipamuhay at mga serye ng talapapagan at pakikipaghuntahan sa komunidad ng
mga magbubukid sa Bulacan, nananatiling matatag ang pagkubabaw sa lalawigan ng
pyudal na ugnayan sa lupa at dayuhang kapital. Makikita sa hanay ng mga agraryong
mamamayan ang malalim na internalisasyon ng pyudal at kolonyal na kamalayan bilang
ideolohikal na balangkas ng kanilang pag-unawa sa sarili, lipunan, at relasyon sa
produksyon. Kunsagayon, nalilimitahan ang kanilang kaisipan sa pagturing sa mga anyo
ng panlipunang inhustisya bilang likas na kalagayan habang sabay na ikinukulong ang
kaginhawahan sa elitistang pamantayan ng personal na kasaganaang nakaugat sa
materyal at espiritwal na kagalingan. Bunga ng ganitong kawalan ng makauring
pagsusuri, naikakahon ng uring magsasaka ang kanilang politikal na praktika sa
depolitisado at pragmatikong mga tugon na sa ibang mga tagpo ay nagdudulot ng
internal na tunggalian sa kanilang hanay. Gayunpaman, likas na umuusbong sa kanila
ang kontradiksyon sa pagitan ng hegemonikong kaisipan at pagpapahalaga at
alternatibong panlipunang moralidad na kanilang nalilinang. Pinagkakalooban sila ng
prosesong ito ng kakayahang unti-unting maisakongkreto ang mga sintomas at ugat ng
kanilang maralitang kalagayan. Dito nabubukas ang espasyo upang higit nilang
maipagtibay ang kanilang malalim na ugnayan sa lupa na nagsisilbing batayan ng
pagpupunyagi sa kanilang pagkakakilanlan bilang mga agraryong mamamayan. Mula
rito, higit nilang nalilinang ang abanteng ideolohiyang pampolitika na nag-aarmas sa
mga ito na kolektibo at organisadong suriin, ilantad, at itakwil ang mga umiiral na anyo
ng pagsasamantala habang kasabay na tinatambalan ito ng transpormatibong praksis na
naglalayong buwagin ang malawakang sistemang mapagsamantala at mapang-api. Mula
sa naging kritikal na pagsusuri sa mga pananaw at buhay na karanasan ng mga
magbubukid sa Bulacan, itinatampok ng pag-aaral ang Agraryong Hustisya,
Mapagpalayang Kamalayan, at Salimbayan ng Pagtataya at Pagkilos bilang mga
pangunahing haligi ng makauring panlipunang kaayusang kinakatawan ang
pagdadalumat at materyal na pagpopook ng mga magbubukid sa kaginhawahan. |
en_US |