| dc.description.abstract |
Tulad ng isang bangungot, paralisado ang iba’t ibang lokal na institusyon nang kumalat
sa bansa ang novel coronavirus, o mas kilala bilang COVID-19. Sinabayan ito ng pagpapasara sa
malaking media network sa bansa na pinagkukunan ng makabuluhang balita sa gitna ng
pandaigdigang krisis pangkalusugan.
Bago pa man ang pandemiya, samu’t saring suliranin na ang kinahaharap ng mga nars na
Pilipino saan mang sulok ng mundo tulad ng hindi makatarungang sahod sa mabigat na
responsibilidad dala ng kanilang trabaho. Ang iba’y pinipili na lamang mangibang bansa para sa
kanilang mga pamilya, na nagdulot ng kakulangan sa manggagawang pangkalusugan sa
Pilipinas. Noong pandemiya, ipinatupad ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang deployment
ban, sapagkat ayon sa kanya’y mas kailangan sila dito sa sarili nilang bansa. Ngayon, ang mga
manggagawang pangkalusugan ay itinuturing na “heroes of the pandemic,” subalit ikinukubli
nito na sila mismo’y mga biktima ng istraktural na isyu.
Gamit ang tatlong teoretikal na balangkas: substructure and superstructure,
socioecological model, at communicative ecology, sinuri ang mga suliranin noong pandemiya, at
ang ugnayan nito sa mga simbolo at metaporang laman ng pelikulang katatakutan ni Erik Matti
(2021) na pinamagatang Shit Happens bilang representasyon at repleksyon ng tunay na danas at
pakikibaka ng mga migranteng nars na Pilipino. Ipinapakita ng pananaliksik na maaaring gamitin
ang mga simbolo at metapora upang ipahayag ang mga pisikal, emosyonal, at sosyal na hamon
ng mga migranteng nars na Pilipino sa mga elementong horror, tulad ng takot at survival, upang
mabigyan ng malalim na pag-unawa ang kanilang pakikibaka sa harap ng masalimuot na
sitwasyon ng kanilang trabaho at migrasyon noong pandemiya.
Para matugunan ang layunin ng pananaliksik, nagsagawa ang mananaliksik ng
multi-modal qualitative research sa pamamagitan ng video at photo elicitation, photovoice and
captioning, at key informant interviews. Sinuri ang mga simbolo at metapora gamit ang critical
semiotic analysis, thematic analysis, at textual/discourse analysis. Sa huli, ang pelikulang tampok ay hindi lahad na ipinakita ang tunay na danas ng mga
migranteng nars na Pilipino, subalit ito ay naging mahalagang instrumento upang ipahayag ng
mga tagabatid ang kanilang mga karanasan at suliranin sa tulong ng mga metodolohiyang
ginamit at ang kanilang malayang pagpapahayag ng mga simbolismo at metaporang kanilang
kinuhanan sa panonood ng pelikulang tampok. |
en_US |