Abstract:
Sa loob ng ilang dekada, pagtatahong ang isa sa mga pangunahing industriya ng Kapital
ng Pangingisda ng Pilipinas, ang Navotas. Tuwing buwan ng Marso, sa gitna ng tirik ng araw at
panahon ng Kwaresma, ang mga magtatahong ay masaganang umaani ng kanilang mga
produkto. Gayunpaman, Marso noong nakaraang taon, 2024, ang mga tahong na nasa tamang
gulang na sana para anihin ay binunot ng mga naglalakihang “bako” (backhoe) ng San Miguel
Corporation at pamahalaang lungsod ng Navotas. Ngayong taon, 2025, simot at wala nang mga
tahungan ang natitira sa lungsod.
Ang demolisyon ng mga tahungan ay maiuugat sa pagsisimula ng 650-ektaryang Navotas
Coastal Bay Reclamation Project (NCBRP) na siyang humahantong sa tuluyang pagkawala ng
kabuhayan (structural unemployment) at pagpapalit ng kabuhayan (livelihood shift). Ang mga ito
ay nagpapasidhi sa penomena ng kahirapan sa tabing-dagat (coastal poverty) at precarity ng
masang magtatahong. Gamit ang participatory power mapping at power analysis, sinuri ang
umiiral na istruktura ng kapangyarihan sa lungsod na siyang nagpapahintulot at nagbebenepisyo
sa proyektong reklamasyon. Sa lenteng politiko-ekolohikal, ang impluwensiya nito ay mababatid
sa tatlong dimensyon: (1) hindi pantay na distribusyon ng costs at benefits ng reklamasyon, (2)
istruktural na hindi pagkakapantay-pantay (structural inequality), at (3) hindi pantay na relasyon
sa kapangyarihan (power relations).
Sa pagkilala ng impluwensiya ng produkto ng komunidad, isinalokal at isinakonteksto ng
pananaliksik ang epekto ng reklamasyon sa masang magtatahong. Tinukoy nito ang natatanging
kaparaanan ng pamumuhay, paghahanap-buhay, at pakikibaka ng masang magtatahong na siyang
matutukoy at mahihiwalay sa kaparaanan ng mga mangingisda sa kabuuan. Gayundin, bitbit ang
impluwensiya ng kanilang kapaligiran at kabuhayan, ang pagbalikwas ng masang magtatahong
ay matutukoy sa pormang tahimik (avoidance resistance), kontra-agos (breaking resistance), at
nagpapanibagong-hubog (constructive resistance). Mula sa etimolohiya ng reklamasyon na
“muli” at “pagprotesta,” ang masang magtatahong ay may natatanging porma rin ng reklamasyon
ng kanilang binunot na karapatan (claim rights).