Abstract:
Ang pag-aaral na ito ay isang pagsusuri at pagaanalisa ng mga lipon
ng nasulat tungkol sa konsepto ng sakit at paggaling ng ilang indigenous
peoples ng Pilipinas. Ang konseptong ito ay nakapaloob sa traditional
medicine na magpasahanggang ngayon ay patuloy pa ring tinatangkilik ng
mga tao sa kabila na panahon na ng makabago at siyentipikong medisina.
Mula sa mga nakalap na akda, panulat, pananaliksik at pag-aaral,
anim na pangkat ng indigenous peoples ang masusing ipinaliwanag at
pinagtuunan ng pansin. Ito ay ang mga Ayta ng Zambales na matatagpuan sa
kanlurang bahagi ng Luzon; Bontoc Igorot; Ifugao; Kankana-ey ng Mountain
Province; Mangyan ng Mindoro at Subanon ng kanlurang bahagi ng
Mindanao.
Ipinakita sa pag-aaral na ito ang iba't ibang kaugalian at paniniwala ng
mga napiling pangkat na may kinalaman sa kanilang konsepto ng
karamdaman at mga pamamaraan ng pagpapagaling dito. Ang pagkakaroon
ng hindi maganda at maayos na pakiramdam para sa kanila ay maaaring
sanhi ng natural o supernatural na dahilan. Bagamat ang pagkakaroon ng
sakit ay mapagtutunay sa lagay ng pisikal na kaanyuan ng isang indibidwal,
itinuturing ito bilang mas sosyal kaysa bayolohikal dahil sinasalamin nito kung
ano ang tama at mabuti ayon sa lipunang kanilang ginagalawan.
Sa pamamaraan ng pagpapagaling at panggagamot, bukod sa
paggamit ng kaalaman sa herbal na medisina sa mga hindi gaanong kalalang
sakit, hindi mawawala ang pagtatanghal ng mga ritwal na naaayon sa
ganitong uri ng pangyayari lalo na sa malulubhang sitwasyon. Lahat ng
pangkat ay may kani-kaniyang pamamaraan at hakbang sa pagpapatupad ng
mga ito. Bagamat iba’t iba ang katawagan sa mga taong may kakayahan at
kapangyarihang makapagpagaling, gayundin ang kanilang mga
pamamaraan, ang kanilang mga layunin ay magkakatulad: ang mapabuti ang
kalagayan ng maysakit at mapanatili ang mabuti at payapang relasyon sa
pagitan ng mga tao at ng kanilang mga ninuno, espiritu, o diyos.
Matutunghayan sa pag-aaral na ito ang konsepto ng ilang indigenous
peoples tungkol sa sanhi ng pagkakasakit at paanong ito ay nilulunasan na
hindi nakaugat sa modernong bayomedika.