Abstract:
Ang kapabayaan ng pamahalaan na tugunan ang batayang pangangailangan gaya ng serbisyong pangkalusugan, edukasyon at tahanan ng mga mamamayan higit na ng mga taong nabibilang sa maralitang tagalunsod ang siyang nagbunsod ng pagkakaroon ng mga organisasyon ng maralitang tagalunsod. Ang mga organisasyong ito ang siyang nagsisilbing kinatawan ng mga taong kalimitan ay iginigilid sa lipunan. Ang mga samahang may ganitong layunin ang siyang magiging tagapamagitan at tagapangalaga ng mga karapatan na taglay ng mga taong may mababang antas ng pamumuhay.
Bunga ng ganitong kalagayan at sistema sa lipunan, ang pag-aaral na ito ay tatalakayin ang tunay na kalagayan ng mga maralitang tagalunsod kabilang na ang kanilang mga suliranin at ang mga organisasyong nagsisilbi rito at bibigyang-diin ang mga dahilan o salik na nakaaapekto o nakapagpapanatili ng katatagan ng Zone One Tondo Organization o ZOTO na siyang pinakatampok na organisasyon ng maralitang tagalunsod sa pananaliksik na ito. Ang kakayahan nitong organisahin ang mga tao para kanilang maprotektahan ang kanilang mga karapatan gamit ang integratibong pamamaraan ang siya ring bibigyang paliwanag kasama ng makulay nitong kasaysayan sa mundo ng pag-oorganisa at pakikibaka.