| dc.description.abstract |
May kasabihang ang kalusugan ay kayaman. Kung kayat sa pagtahak ng
tao sa bawat yugto ng kanyang buhay ay naroon ang pag-iingat at pangangalaga
sa katawan mula sa sakit, sapagkat ang buhay na ito na kaloob ng Diyos ay iisa
lamang.
Kaugnay nito, layunin ng pag-aaral na ito ang mailahad at masuri ang
mga sakit na nauugnay sa yugto ng panganganak. Napapaloob dito ang mga
natatanging paniniwala at kaugalian na sinasang-alang sa kabila ng mabilis na
paglaganap ng mga kaalaman sa kalusugan at paggagamot. Sa paglalarawan ng
sakit, inalam ang pinagmulan, sintomas at epekto sa kalusugan at mga paraang
isinasagawa sa paggagamot at pangangalaga ng katawan.
Ang pag-aaral ay nagpokus sa mga sakit na mauugnay sa yugto lamang
ng panganganak. Ang mga sakit na ito ay batay sa mga paniniwala, opinyon at
karanasan ng mga napiling kababaihan ng Barangay De La Paz Norte, San
Fernando Pampanga. Partikular na inilarawan ang kondisyon ng katawan ng
babae bago manganak hanggang sa sandaling matapos ang kanyang
panganganak.
lnaasahang makatutulong ang pag-aaral na ito sa pagdaragdag ng
kaalaman ukol sa mga sakit na nararanasan ng kababaihan sa yugto ng
panganganak. Sa pamamagitan nito, mauunawaan ang kondisyong
pangkalusugan ng babae sa yugtong ito ng kanyang buhay. Higit sa lahat,
umaasang makatutulong ang pag-aaral na ito sa pagpapabuti sa pagpapaabot
ng mga serbisyong pangkalusugan.
Ang pag-aaral ay isang etnograpiya ng mga napiling kababaihan sa Brgy.
De La Paz Norte San Fernando Pampanga. Ginamit ang "emic approach" o
panloob na pananaw batay sa mga karanasan, opinyon at paniniwala. Ang
metodo ng pakikipanayam at pagtatanong tanong ang ginamit ng pag-aaral.
Ang pag-aaral ay bahagi ng isinagawang pag-aaral ng paglalahad ng buhay ng
walong (8) kababaihan na may edad 45 hanggang 65. Tinalakay nito ang yugto
sa buhay ng babae mula sa pagkakaroon ng regla hanggang sa pagtigil nito.
Kinapanayam din ang may labintatlong (13) kababaihan na may edad 28
hanggang 43. Ang lahat ng kinapanayam ay nakaranas nang manganak at
kapwa na mga ina. Karamihan sa kanila ay nananatili sa bahay. Ang Barangay De La Paz Norte ay isa sa mga bumubuong barangay ng
San Fernando Pampanga na kung tawagin noon ay Butarol. Sa kasalukuyan,
tinatayang may 2,500 ang populasyon ng naturang barangay. Binubuo ito ng
anim na purok at may sariling paaralang elementarya, simbahan at health center.
Batay sa pagsusuri ng mga kaugnay na literatura, ang sakit ay hindi
lamang kinapapalooban ng aspetong pisikal. Mauugnay dito ang iba pang salik
na nakaaapekto sa kalusugan - ang aspetong kultural at sosyal. Malaki ang
papel na ginagampanan ng lipunang kinagagalawan ng tao sa kanyang
kalusugan. Ang teorya naman ni Hippocrates ay nagsasabing ang katawan ay
binubuo ng apat na likido. Kinakailangang mapanatili ang balanse ng mga ito sa
katawan upang maiwasan ang sakit. Kaugnay nito ay ang teorya ng init at lamig
na tinatawag na yin yang sa Tsina at ayurveda naman sa India. Sinasabing
makikita ang teoryang ito sa mga yugto ng buhay ng babae mula sa
pagkakaroon ng regla hanggang sa pagtigil nito.
Ang iba't-ibang pangkat etniko sa Pilipinas ay may kanya-kanyang
paniniwala at kaugalian sa panganganak. Subalit ang mga ito ay may
pagkakatulad gaya ng paniniwala sa mga masasamang espiritu sa paligid na
naglalagay sa panganib sa kalusugan ng babae habang nagbubuntis hanggang
sa gandaling matapos ang panganganak. Gayundin ay may mga paniniwala sa
sa tulong na maibibigay ng paggamit ng mga dahon-dahon, mga tabu sa
pagkain, pagkilos at gawain upang mapangalagaan ang kalusugan ng babae
mula sa pagbubuntis hanggang sa sandaling matapos ang panganganak.
Batay sa mga nakuhang impormasyon nakita ang kahalagahan ng
pagbabalanse ng init at lamig sa katawan. Malaki ang nagagawang epekto ng
pagtaas at pagbaba ng init at lamig sa kalusugan ng babae. Mula sa ·panahong
bago manganak hanggang sa sandaling matapos ang panganganak kinakitaan
na ng pagtaas ng init ang katawan ng babae. Dahil dito mapanganib na
mapasukan ng lamig ang loob ng katawan dahil magdudulot ito ng sakit at hirap
sa panganganak. Pinag-iingat ang babae sa pamamagitan ng pagsusuot ng
mahahabang damit, hindi paglabas ng bahay lalo na kung gabi, paglalagay ng
sapin sa pag-upo at pagtulog, pag-iingat na matutukan ng hangin at pag-iingat
na mabasa ang tiyan sa anumang gawain tulad sa paglalaba. Kaugnay nito ay
ang pagbabawal sa pagkain ng matataba at maaalat na magdudulot ng labis na
init sa loob ng katawan. Ito ay makapagpapataas sa presyon ng dugo ng ina.
Kapag nangyari ito, pinaniniwalaang tataas ang presyon ng dugo, mahihirapan
sa panganganak at ikamamatay ng sanggol dahil malulusaw ito sa sobrang init
sa loob ng tiyan. Tinatawag itong albumina. Sa sandaling bago ang panganganak makatutulong sa mabilis at
madaling panganganak ang pag-inom ng mainit o malamig na likido ang babae.
Maaaring mainit na sabaw o Milo at Pepsi o Coke ang iinumin ng babae sa
sandaling siya ay nakararanas na ng pananakit o paghilab ng tiyan. Ang mataas
na temperatura ng likido ay pinaniniwalaang makapagpapagising at mabilis na
makapagpapagalaw sa sanggol upang madaling mailabas ng ina.
Nakararanas ng labis na paghihirap o sakit ng katawan ang babae sa
sandaling siya ay nanganganak. Matapos ang panganganak itinuturing na bukas
ang katawan ng babae at madaling mapasukan ng lamig. Sa panahon din na ito
ay karaniwang mainit ang pakiramdam ng babae mula sa panganganak dala ng
hirap at pagod na naranasan. Katulad noong bago manganak ay ga·yundin na
pinag-iingat ang babae mula sa lamig dahil magdudulot ng sakit tulad ng busong
(pamumuo ng dugo) at pagkamuret (pagkasira ng ulo). Karaniwan nang
ginagamot ang init ng pakiramdam ng babae pagkapanganak sa pamamagitan
ng pagpapahid ng langis sa paghihilot ng katawan, pag-inom ng maiinit na
sabaw o likido, pagsusuot ng mahahabang damit, paglalagay ng sapin at
pagsasara ng hita at binti sa pag-upo at paghiga, pagbabawal na mabasa ng
malamig na tubig at hindi paliligo ng isa hanggang dalawang linggo matapos ang
panganganak.
Sa pangkalahatan, napansin ng pag-aaral na sa panahong mula bago
manganak hanggang sa sandaling matapos ang panganganak, ang babae ay
nakararamdam ng init na nagbabadya ng pagkakaroon ng sakit kung hindi
mapag-iingatan ang katawan mula sa pagpasok ng lamig. Maibabalik lamang
ang normal o dating kondisyon ng katawan at kalusugan ng babae kapag naging
balanse na muli ang init at lamig sa loob ng katawan. Karaniwan nang
naibabalik muli ang dating normal na kondisyon ng katawan ng babae matapos
ang pagsasagawa ng tinatawag na panublida o pagsasarang muli ng katawan ng
babae mula sa panganganak.
lminungkahi ng pag-aaral ang malawakan pang pag-aaral sa epekto ng
init at lamig sa loob ng katawan. Napapaloob dito ang mga hakbang kung paano
mas epektibong mapapangalagaan ang katawan mula sa mga sakit na natukoy
ng pag-aaral sa yugto ng panganganak. Maaaring isagawa ang mga pag-aaral
sa iba namang mga kababaihan partikular ang mga naninirahan sa malalayong
lugar sa bansa. |
en_US |