Abstract:
Itinuturing na Perlas ng Silangan, ang Pilipinas ay nagtataglay ng masaganang mineral at likas na yaman. Sa ating kabundukan matatagpuan ang mga endemikong hayop at halaman; sa ating kapatagan at karagatan naman ay ang masaganang ani at iba’t ibang yamang-tubig. Ang mga ito ay patunay na ang Pilipinas ay isang paraiso. Sagana man tayo sa likas na yaman, isang malaking kabalintunaan na ang mga katutubong siyang naglinang sa ating mga likas na yaman ay pinapatay ng mga mapagbalatkayong polisiya. Kakambal ng mga katutubo ang lupa. Wari sila’y mga halamang mapipigtal ang buhay sa oras na alisin sa lupang tinubuan.
Sinisiyasat sa pag-aaral na ito ang Indigenous People’s Rights Act na itinuturing bilang isa sa mga pinakauna at pinakakomprehensibong batas sa buong mundo na nangangalaga at nagtataguyod ng karapatan at kapakanan ng mga katutubo. Sinisuguro ng batas na ito na iabante ang karapatan ng mga katutubo sa kanilang lupa at lupaing ninuno at sariling pagpapasya. Hihimayin sa pananaliksik na ito ang laman ng Batas IPRA at aaralin kung tumutugma sa kasalukuyang kalakaran ang mga layunin ng batas. Sa pamamagitan ng mga panayam at mga pag-aaral sa mga naunang pananaliksik, napatunayan na ginagamit ang IPRA bilang isang kasangkapan upang mapabilis ang proseso ng paggalugad sa mga lupaing ninuno at kalauna’y magreresulta sa pandarambong sa kalikasan at pangakamkam sa mga lupang ninuno.