Abstract:
Ang pagdami ng mga multinasyunal na kumpanya ay isang malinaw na manipestasyon ng globalisasyon. Ang Pilipinas, bilang isang bansa na nasa ikatlong daigdig, ay isa sa mga paboritong lugar na paglagyan ng kapital ng mga naglalakihang multinasyunal na kumpanya dahil na rin sa mga pribilehiyong ibinibigay nito. Isa sa mga dayuhang namuhunan sa bansa ang Charoen Pokphand Foods Corporation (CP), isang kumpanyang nanggaling sa Thailand na kasalukuyang nangangasiwa sa iba't ibang kabuhayan sa buong mundo.
Kaugnay ng pagpasok ng nasabing kumpanya sa bansa ay nananawagan ang iba't ibang mga organisasyon na bawasan o hindi bigyan ng mga insentibo ang CP dahil nakokompromisa diumano nito ang lokal na agro-industriya. Sa pananaliksik na ito ay tinalakay ang mga isyung kinakaharap ng CP gayundin ang epekto nito sa lokal na mga namumuhunan. Inirerekomenda ng pag-aaral na ito na igiit ang pag-aalis ng mga insentiba sa mga dayuhang namumuhunan nang sa gayon ay hindi na maakit ang iba na dito mangapital – upang maiwasan ang pagkakaroon ng dayuhang monopolyo sa iba't ibang produkto sa Pilipinas.