Abstract:
Hanggang sa kasalukuyan, laganap pa rin ang mga pagpapalit-gamit ng lupa sa Pilipinas at isa ang probinsya ng Cavite sa dumadanas nito. Bagamat mayroon nang mga pag-aaral ang nagawa ukol sa pagpapalit-gamit ng lupa sa ibang bahagi ng Cavite, napag-iiwanan ang munisipalidad ng General Trias pagdating sa usaping ito. Tiningnan ng pag-aaral na ito ang epekto ng pagpapalit-gamit ng lupa sa General Trias partikular na sa barangay Santiago. Upang malaman ang mga epekto ng pagpapalit-gamit ng lupa, gumamit ng sariling questionnaire ang mananaliksik at ipinasagot sa limampung pesante. Nakipanayam din ng mga kinatawan ng isang pangmasang organisasyon—KAMAGSASAKA-KA, at isang kinatawan mula sa lokal na pamahalaan ang mananaliksik upang mas maintindihan pa ang pagpapalit-gamit ng lupa sa lugar. Epekto sa kita, pang-ekonomikong kasiguruhan (economic security), at pangangamkam ng lupa ang sentro ng pag-aaral. Ipinakita sa resulta na marami sa mga pesante (38%) ang nanatili sa dati ang kinikita matapos ang pagpapalit-gamit ng lupa bagaman dumami ang bilang ng pesanteng tiyak na mas mababa pa sa minimum wage ang kita (mula 22% tungong 52%). Sa kabila ng pagpapalit-gamit ng lupa, marami sa kanila ang nanatiling magsasaka (36%). Ipinakita sa resulta na maraming pesante ang naniniwalang hindi pangmatagalan ang mabuting dulot ng pagpapalit-gamit ng lupa(66%). Dahil dito, nagkaroon sila ng impermanence syndrome o kawalan ng kumpyansa sa katatagan at pangmatagalang silbi ng pagsasaka kaya ang kanilang naipon ay ipinundar nila sa ibang pagkakakitaan(28.66%). Walang naiulat na pangangamkam ng lupa sa barangay Santiago bagaman 62% sa mga nagsagot ay walang sariling lupa.