Abstract:
Ang pag-aaral na ito ay tumutukoy sa tungkulin at gampanin ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa pagbibigay nito ng tulong medikal na gastusin sa mga nangangailangan at may sakit bilang bahagi ng serbisyong panlipunan nito na siyang sumasagot sa layunin na mapatunayan ang teorya ng ISA o Ideological State Apparatus. Dahil sa umiiral na kalagayan ng sistemang pangkalusugan sa bansa kaakibat ang kondisyon ng malawakang kahirapan, higit na hindi nabibigyan ng tamang pagtingin ang pagkakaroon ng isang epektibong pagtulong sa mga mahihirap, may sakit at sa mga higit na nagangailangan. Sa pagtatalakay ng pag-aaral na ito gumamit ang mananaliksik na mga pamamaraan gaya ng sarbey at panayam upang mabatis ang antas, pananaw at kasalukuyang pagtingin ng mga kliyente sa pakikibahagi nito sa proseso ng Individual Medical Assistance Program ng PCSO. Sa tulong ng paggamit ng teorya at paglalapat nito sa Ideological State Apparatus (ISA) ni Louis Althuser at iba pang mga literatura, napagalamanan at batay sa resulta ng mga sarbey at panayam na kahit ang mga medical assistance at mga kaugnay na institusyon ay nagiging kasangkapan ng umiiral na ideolohiya kung saan laganap ang opresyon at pagkait na magkaroon ng isang maayos at aksesibong sistemang pangkalusgan sa bansa sa pamamagitan na hindi nagkakaroon ng pangmatagalang epekto sa pagsugpo sa kalagayan ng mga nangangailangan bagkus ay nagdudulot pa ito ng panibagong suliranin at nanatili sa kaisipan ng mga mamamayan na ito ang tadhana na nakasalalay sa kanila at walang sapat na kakayahan ito upang labanan at baguhin ang kasalukuyang sistema na siyang bumubuo ng obhekutibong pagtingin sa anyo ng pagkakaroon ng utang na loob (sense of gratitude) sa ginagawang pagtulong ng ahensya sa kanilang kalagayan. Sa huli, nakikita ng mananaliksik na hindi sapat ang pagkakaroon ng reporma sa mga batas patungkol sa pampublikong sistemang pangkalusugan ng bansa sa halip ang mabisang pangangailangan ng bawat indibidwal ay magmumula sa panawagan na maging masiyasat at responsable sa kanyang gawain na mapaunlad hindi lamang para sa kanyang sarili bagkus ang kabutihan at kaayusan ng kanyang lipunan.