Abstract:
Ayon kay Karen Wells (2009) na sumulat ng librong Childhood in a global perspective, ang mga unibersidad ay nagiging mga importanteng lugar para sa pampulitikal na organisasyon. Ipinaliwanag niya na sa pagpasok sa isang pamantasan, ang mga kabataan ay hindi lamang kabataan ngunit sila ay nagiging isang komunidad ng mga estudyanteng may pare-parehong karanasan. Ang mga kabataang ito ay tinatawag na "humanist youth", o mga kabataang sensitibo sa mga isyu tulad ng kawalan ng hustisya sa lipunan at may pagkamakabayan (Flacks, 1970, p.121). At dahil sa pagdami ng eskwelahan, ang mga unibersidad ay nagiging importanteng instrumento upang umusbong ang politikal na mobilisasyon. Ayon kay Trent (2003), may tatlong tungkulin ang mga unibersidad sa ganitong konteksto: activating, facilitating, at mediating. Sa unang tungkulin, ang mga unibersidad ay nagsisilbing instrumento upang imulat ang politikal na kamalayan ng mga estudyante at pagunawa sa mga isyu ng lipunan sa pamamagitan ng edukasyon ukol sa mga isyu ng lipunan. Bilang facilitator, ito ang nagsisilbing lugar upang mas mapagtibay ng mga estudyante ang kakayanan upang magmobilisa. Ang layunin ng pagaaral na ito ay suriin ang institusyunal na kultura ng pribadong sectarian na pamantasan at kung paano ito nakakaapekto sa pagusbong at pagpapanatili ng pampulitikal na mobilisasyon ng mga estudyante doon. Mula sa perspektibo ng mga estudyante, ano ang kanilang pagtingin sa pampulitikal na mobilisasyon ng mga estudyante? At mula naman sa perspektibo ng administrasyon ng pamantasan, ano ang nagiging sagot ng administrasyon ukol sa ganitong porma ng pagtutol?