dc.description.abstract |
Noong 1960s hanggang 1970s, malaki ang pagtitiwala ng mamamayan sa hudikaturang sangay ng pamahalaan ng Pilipinas kumpara sa dalawang iba pang sangay ng pamahalaan, ang ehekutibo at lehislatibo. Ito ay sa konteksto ng matinding destabilidad na nagaganap sa administrasyon ni Marcos sa panahong ito. Kasabay nito ay ang paggigiit ng mamamayan na makamit ang kanilang mga karapatan at pakikipaglaban sa ngalan ng katapatan at katarungan. Ngunit sa paglipas ng panahon ay naging popular ang tema ng kawalan ng katarungan sa iba't ibang aspeto ng buhay ng mamamayan tulad ng ilang mga paglabag sa karapatang pantao at iba pa, sa kabila ng relatibong estabilidad ng administrasyong sumunod kay Marcos. Ang kawalan ng katarungan sa loob ng mga korte ang dahilan kung kaya't nawawala na rin ang tiwala ng mamamayan sa sistemang panghukuman ng bansa. Maraming kaso ang hindi nareresolba ng korte, o kung nareresolba man ay inaabot ng ilang taon o umaani ng duda o mga katanungan sa mata ng mamamayan, (Tadiar, 1999, p.1). Ang pag-aaral na ito ay mahalaga sapagkat naglalayon itong tingnan ang ganitong sitwasyon sa mababang korte. Gaano nga ba katagal inaabot ang pagbaba ng hatol sa mga kasong isinasampa sa korte? Ano ang maaaring epekto nito sa pagkamit ng katarungan? Binibigyang halaga ng pag-aaral na ito ang perspektibo ng tao, ang kanilang konsepto ng katarungan at ang tingin nila sa sistemang panghukuman sa Pilipinas. |
en_US |