Abstract:
Ang pag-aaral na ito ay gagamit ng Systems Theory ni David Easton upang suriin ang interaksyon ng Simbahang Katoliko at ng Estado. Gamit ang lenteng ito, aaralin ang mga pamamaraan ng Simbahang Katoliko upang maimpluwensyahan ang proseso ng pagdedesisyon ng lokal na pamahalaan hinggil sa isyu ng pagmimina sa Balocawe, Matnog, Sorsogon. Sinasabi lang ng Systems Theory na ang isang pulitikal na sistema ay binubuo ng isang siklikal na proseso. Ang prosesong ito ay may iba't ibang yugto na kung saan ang kasalukuyang pulitikal na kondisyon na binubuo ng mga batas at mga polisiya ay siyang produkto ng mga interaksyon sa sistemang pulitikal. Ang interaksyong ito ay nasa porma ng negosasyon sa loob at labas ng pulitikal na sistema. Ang mga desisyong nabuo matapos ang mga negosasyon ay muling magbubunga ng mga panibagong kondisyon na kung saan maaring may mga aktor na muling susuporta sa mga panibagong kondisyong ito bilang mga bagong adhikain, adbokasiya o saloobin na siyang muling ipoproseso sa pulitikal na sistema. Nakasaad din sa teyoryang ito na ang mga yugto ay mayroong tiyak na hangganan subalit ang buong sistemang ito ay binubuo ng mga dinamikong proseso ng pagdedesisyon.