Abstract:
Ang Electric Power o Pakuryente ay isa sa mga pinakamahalagang sangkap ng kaunlaran sapagkat ito ay kailangan ng mga industriya ng produksyon at kalakal na siyang nagpapasok ng salapi sa kaban ng bayan. Sa kasalukuyan, itinuturing din na ang kuryente ay isa sa mga pangunahing pangangailangan sa pang-araw-araw na nagdudulot ng kaalwanan sa maraming aktibidad ng mga mamamayan. Hindi magiging maunlad ang ekonomiya ng ating bansa kung walang maayos, mura at mabisang sistema ng Pakuryente. Upang matiyak ang pagsulong ng kaunlaran sa buong bansa, sa pangangasiwa ng National Electrification Administration ay itinatatag ng pamahalaan ang mga Rural Electric Cooperatives na siyang nagpapadaloy ng kuryente sa mga maralitang lugar na hindi binibigyang pansin ng mga pribadong mamumuhunan noong dekada 60. Ang Mga RECs ay non-stock at non-profit kaya ang panimulang puhunan ay ipinautang ng pamahalaan na binabayaran naman sa taripa ng mga kasapi-konsyumer na mga kamay-ari ng RECs. Nang lumaon ay tinustusan din ng pamahalaan ang pagpapalaganap ng pakuryente sa mga malalayong sitio at barangay na nasasakupan ng RECs dahil hindi makayanan ng mga ito ang gastusin para sa mga pasilidad na kailangan.