Abstract:
Tinalakay sa pananaliksik na ito ang bagong programang pang-edukasyon ng kasalukuyang administrasyon, ang K-12 Basic Education Program na naglalayong solusyonan ang problema sa kalidad ng edukasyon sa bansa at gawing globally competitive ang mga Pilipino. Napapalibutan ng sari-saring kontrobersiya ang implementasyon nito; napakaraming personalidad at grupo ang nais manaig ang saloobin. Sa gitna ng mga ito, tila hindi masyadong nabibigyan ng pagkakataon ang mga gurong makilahok sa proseso ng pagpapasya tungkol sa pagpapalit ng kurikulum, sa proseso mismo ng pagpapalit ng kurikulum, at sa mga nilalaman ng asignatura. Kung kaya naman ang pangunahing layunin ng pananaliksik na ito ay alamin kung para sa mga guro ay kailangan nga bang talaga ng Pilipinas ang K-12 upang maiangat ang kalidad ng edukasyon ng bansa. Inalam ng mananaliksik kung ano nga bang talaga ang pagkakaiba ng K-12 sa mga nagdaang kurikulum, bukod pa sa mas mahabang panahong gugugulin sa pag-aaral ng mga estudyante. At panghuli, inalam rin ng mananaliksik kung ano nga ba ang talagang magiging epekto o kung makakaapekto ba ang naturang programa sa kalidad ng edukasyon sa Pilipinas. Lumabas sa pag-aaral na para sa mga pampublikong guro, hindi kailangan ang K-12 upang masolusyonan ang problema sa kalidad ng edukasyon dahil na rin sa iba't ibang dahilan katulad ng kakulangan nito sa kahandaan at hindi pa napapanahong implementasyon.