dc.description.abstract |
Ang paggawa ng batas at pagbibigay kapangyarihan sa awtoridad na ipatupad ito ay isang pamamaraan upang mapanatili ang kaayusan sa lipunan sa pamamagitan ng pamamahala sa public behavior. Lahat ng batas ay nangangailangan ng pagsunod ng mamamayan, kagaya rin ng interes ng mamamayan na rebyuhin ang mga batas para matukoy kung ito ba ay ipinatutupad ng naaayon sa inilathalang layunin. Karaniwan na ang pagrerebyu ng mga batas sa bansa, subalit karamihan sa mga ito ay mga batas na ang saklaw ay ang pang-nasyonal na interes.
Ang pag-aaral na ito ay bunga ng pagnanais na makapagrebyu ng isang ordinansa, isang batas na ang sakop lamang ay isang lokalidad. Ang konsepto ng jaywalking ay hindi bago sa pandinig ng bawat Pilipino, subalit nagkukulang tayo sa kaalaman patungkol sa tunay na kahulugan nito at pagiging instrumento nito upang ideklarang dominante ang awtomobil sa mga lansangan. Ang konseptong ito ay laban sa karapatan ng pedestrian dahil binibigyang katwiran nito ang awtomobil sa pagtaboy sa tao sa lansangan, at pagkukulong sa mga ito sa sidewalks, crosswalks, at footbridges sa ngalan ng "kaligtasan" at "kaayusan". Ang MMDA Anti-Jaywalking Ordinance ay isang halimbawa ng pamamahala ng pedestrian behavior. Naglalayon ang batas na ito na mabigyang kaligtasan ang pedestrian, at maibsan ang trapiko sa panahon na patuloy ang paglobo ng bilang ng mga sasakyan sa Metro Manila. Maganda ang layon ng batas na ito, at bagaman nabanggit na anti-pedestrian ang paggamit sa konsepto ng jaywalking, dinidikta ng kasalukuyang sirkumstansya na sa labanan sa pagitan ng awtomobil at tao para sa dominanteng karapatan sa paggamit ng lansangan, higit na dehado ang tao dahil sa horsepower, pinansyal na interes na sumusuporta sa awtomobil at usapin ng urbanisasyon. Bunga nito, ang pagtingin sa ordinansang nagbabawal sa jaywalking ay hindi dapat tignan bilang negatibo. Bagkus ang dapat tignan ay kung tama ba ang pagpapatupad ng batas patungkol dito, at kung tunay bang napoprotektahan ng batas na ito ang pedestrian. Sa pagtukoy kung paano mapasusunod ang tao sa Anti-Jaywalking Ordinance, nararapat na siyasatin ang mga dahilan kung bakit, una sa lahat, ginagawa ito ng tao. Sinuman ay nakagawa na nito minsan man o palagi sa kabuuan ng kanilang buhay. Isa itong konsepto na may ma-pulitikang pinagmulan, at walang tinatangi, lahat ay stakeholder dito.
Nauudyukan ang tao na mag-jaywalk dahil sa mga dahilang may kaugnayan sa eksternal na salik sa kanyang kapaligiran at normatibong pananaw niya sa batas na ito at sa pagpapatupad nito. Sa pagsiyasat sa Anti-Jaywalking Ordinance, nakita ng pagaaral na ito na kulang ang preparasyon bago ipinatupad ang batas na ito dahil naging makitid ang pagtingin nito sa konsepto ng jaywalking. Inakala nito na sa pamamagitan ng pagparusa sa "jaywalkers" ay matitigil na ang tao sa paggawa nito. Pero kung hahalungkatin natin ang kalaliman ng mga dahilan ng tao sa pag-jaywalk, makikita natin na hindi lamang simpleng pagparusa ang kinakailangan. |
en_US |