Abstract:
Ang pagsasakapangyarihan ng mga kababaihan kabilang na ang pagprotekta sa kanyang reproductive health at kapangyarihan sa tahanan sa pamamagitan ng pagpaplano ng pamilya ay isang mahalagang isyu na dapat bigyang pansin. Sa pagaaral na ito, sisiyasatin ang paraan ng pagdedesisyon ng mga babaeng maagang nagasawa sa bilang ng anak at paggamit ng kontrasepsyon upang makita kung paanong sa kabila ng kanilang mga bulnerableng katangian ay maaari silang maging makapangyarihan sa paggawa ng desisyon sa tahanan partikular na sa pagpaplano ng pamilya. Layunin ng pag-aaral na ito na alamin ang mga pangunahing isinasaalangalang ng mga kababaihang maagang nag-asawa sa paggawa ng desisyo sa pagpaplano ng pamilya at siyasating kung paano nakaapekto ang kanilang sosyoekonomikong kalagayan sa paggawa ng kanilang desisyon. Nais ding tingnan ng pagaaral na ito ang lawak ng impluwensya ng ibang taong nakapaligid sa kanya tulad ng asawa, mga magulang o biyenan at healthwrokers sa kanyang desisyon. Ang mananaliksik ay nagsagawa ng walong in-deph interview sa mga babaeng maagang nag-asawa na may mga partikular na katangian sa Brgy. Concepcion, General Tinio, Nueva Ecija. Pinag-aralan ang karanasan ng babae na naging dahilan ng kanyang maagang pag-aasawa gayundin ang kanyang mga karanasan sa pagpaplano ng pamilya matapos mag-asawa habang binibigyang-pansin ang kanyang sosyoekonomikong katangian. Sa pananaliksik, matagpuan na magkakaiba ang dahilan ng pag-aasawa sa murang edad ng mga kababaihan at ito ay dulot ng kani-kanilang natatanging karanasan. Napag-alaman din sa pag-aaral na ang proseso ng paggawa ng desisyon ng mga kababaihan ay iba-iba at nababatay sa iba't-ibang salik tulad ng uri, antas ng edukasyong natamo, pagkakaroon o kawalan ng kita at relasyon sa ibang tao. Napatunayan sa pananaliksik na ang katangian ng mga babaeng maagang nagasawa ay maaaring magdulot ng iba-ibang epekto sa kanilang paggawa ng desisyon sa pagpaplano ng pamilya tulad ng pagiging sagabal o pagsulong. Ang pananaliksik ay tinatanaw na isang ambag para sa karagdagang kaalaman sa pagsasakapangyarihan ng mga kababaihan sa pamamagitan ng pagpaplano ng pamilya.