Abstract:
Sa pananaliksik na ito, kinilala na ang subordinasyon na nararanasan ng mga kababaihan sa ating lipunan ay hindi lamang dahil sa kanilang kasarian (o dahil sila ay mga babae) kundi dahil na rin sa kinsasadlakan nilang kahirapan. Ang sektor ng kooperatiba na tumutugon sa isyu ng kahirapan sa pamamagitan ng pagbibigay-trabaho sa mga mamayan partikular na sa mga kababaihan ay sinasabing nakapagdudulot din ng pagsasakapangyarihan. Kaya naging layunin ng pananaliksik na ito na bumuo ng sistematikong pag-aaral na tumatalakay sa proseso ng pagsasakapangyarihan ng kababaihan sa kanilang pagsali sa kooperatiba at sa ilalim ng kung anong mga kondisyon ito nagaganap. Upang makamit ang layunin ng pag-aaral ay nagsagawa ang mananaliksik ng isang KII at dalawang FGD sa dalawang magkaibang women's only cooperative. Sa pagsusuri ng datos ay ginamit ng mananaliksik ang gender and development approach ni Srilatha Batliwala na may tatlong antas: (1) integrative approach, (2) economic approach at (3) consciousness-raising and collective action. Lumabas sa isinagawang pag-aaral na ang antas ng pagsasakapangyarihan na nararanasan ng bawat babae sa loob ng kooperatiba ay nagkakaiba-iba. Higit pa rito, natuklasan na ang pagsasakapangyarihang naranasan ng mga kababaihan sa kanilang pagsali sa mga kooperatiba ay hindi nagdulot sa pagbabago sa kanilang kamalayan, hindi ito nagdulot sa pagbabago ng status quo ukol sa gender roles sa loob ng pamilya, sa loob ng komunidad o maging sa lipunan. Hindi layunin ng pag-aaral na ito na i-discredit ang mga women's only cooperatives sa naitutulong nito sa mga kababaihan. Sinasabi ng pag-aaral na ito na hindi lamang dapat makulong ang mga kolektibong entidad na ito sa mga superpisyal na porma ng pagsasakapangyarihan ngunit dapat ay maging susi ang mga ito tungo sa ganap na pagsasakapangyarihan sa mga kababaihan. Dapat kilalanin mismo ng mga kababaihan ang pagkakaroon ng hindi patas na tingin sa mga kababaihan at kalalakihan sa lipunan at mula rito ay magkaroon sila ng inityatibo na baguhin ito. Kailangan din na suportahan ang mga kababaihan na mapahusay ang kanilang mga kapasidad na magsuri, mag-organisa at magpakilos tungo sa positibong pagbabago. Hindi lang dapat nakatali sa usapin ng pera o kita ang pagbuo at pagsali sa mga women's only cooperatives ngunit dapat ay mayroon din ang mga kooperatibang ito ng sosyo-politikong adhikain bilang kolektibong entidad na isulong ang karapatan ng mga kababaihan at baguhin ang nakasanayang mga gawi at paniniwalang umiiral sa isang patriarkal na lipunan.