Abstract:
Sa kasalukuyang sitwasyon ng ating bansa, maituturing na kababaihan ang tunay na mukha ng kahirapan at karahasan. Ang sektor na ito ng lipunan ang malimit na nakakaranas ng mga nabanggit na kalagayan. Sila rin ay maituturing na isa sa mga pinaka-bulnerableng uri ng mamamayan kabilang na ang kabataan. Sa karahasan na kanilang nararanasan, panggagahasa ang masasabing laganap sa kababaihan. Sasagutin sa pananaliksik na ito ang pangunahing katanungan na 'Ano ang tugon ng mga awtoridad sa mga biktima ng panggagahasa?' Aalamin din kung bakit itinuturing na pangunahing porma ng paglabag sa karapatan ng kababaihan ang panggagahasa. Iisa-isahin kung anu-ano ang hakbang ang ipinapatupad ng awtoridad sa pagtugon sa ganitong kaso. Sa pamamagitan na mga makakakalap na datos at sa gabay ng iba pang kaalaman, tutukuyin kung agaran, epektibo at pantay ang mga desisyon sa mga kasong masasaliksik.