Abstract:
Ang kasalukuyang sitwasyon ng mga kababaihang migrant domestic workers ay nalalagay sa patuloy na panganib. Ang kanilang mga karapatang-pantao ay tuluyang nalalabag at naaapakan kung kaya't mahalaga na ang kanilang mga karanasan bilang mga migrant domestic workers ay mabigyang pansin at mapag-aralan ng mabuti upang sila ay matulungan na makamtan ang boses na kinakailangan nila para sa pagsulong ng kanilang mga karapatan. Kaya naman, ang pangunahing katanungan sa pag-aaral na ito ay 'Paano nakararanas ng dehumanization ang mga Filipina migrant domestic workers?' Isinagawa ang pag-aaral na ito upang mas maintindihan kung paano nagkakaroon ang mga kababaihang migrant domestic workers ng mga hindi makataong karanasan na kung saan ay unti-unti rin silang nawawalan ng pagkakakilanlan o dignidad bilang mga tao dahil sa iba't-ibang salik na siyang bumubuo sa proseso ng karanasan ng dehumanization. Ang mananaliksik ay nagsagawa ng case studies at cross-case analysis upang makabuo ng mga konklusyon batay sa mga naging katanungan. Gumamit rin ng purposive sampling ang mananaliksik upang matiyak na magkakaroon ng malinaw na direksyon ang pagkalap ng datos. Nagtaguyod rin ang mananaliksik ng mga sampling frames upang magkaroon ng pokus ang mga kategorya ng kakapanayamin at sa pagkalap naman ng datos ay nagsagawa ang mananaliksik ng narrative taking with indepth interviews, key informant interview at document analysis. Sa pag-aaral na ito, natagpuan ng mananaliksik na may iba't-ibang salik sa kung papaano nakararanas ng dehumanization ang mga kababaihang migrant domestic workers. Nalaman rin na ang mga ito ay hindi maihihiwalay sa bawat isa, sapagkat ang kabuuan nito ang siyang makapagpapaliwanag kung papaano nararanasan ng mga kababaihang migrant domestic workers ang dehumanization.