Abstract:
Ang pangingibang-bansa ng mga kababaihang OFW ay isang mahalagang isyu na dapat binibigyan ng sapat na halaga sa ating bansa. May mga pag-aaral na nagsasabing ang pangingibang-bansa raw ng mga kababaihan ay nagbibigay sa kanila ng pagsasakapangyarihan. Sa pag-aaral na ito, pagu-ugnayin ng mananaliksik ang pangingibang-bansa ng mga kababaihang OFW sa kanilang pagsasakapangyarihan sa loob ng pamilya sa aspeto ng pagtanggap ng kanilang pamilya sa kanilang pangingibang-bansa, pagkakaroon ng paglawak ng tungkulin, at pagkakamit o pagtaas ng antas ng pansariling kalayaan at kumpiyansa. Pangunahing layunin ng mananaliksik na tignan ang pagkakaiba-iba ng karanasan ng bawat kababaihan batay na rin sa kundisyong kanilang pinagmulan. Ang mananaliksik ay nagsawa ng apat na in-depth interviews sa iba't ibang Pilipinang Overseas Filipino Workers na may magkaka-ibang uri ng relasyon sa kanilang mga asawa (o tatay ng mga anak). Pinag-aralan ang mga karanasan ng mga kababaihan bago sila mangibang-bansa at nang makabalik na sila sa Pilipinas sa konteksto ng kanilang relasyon at kaayusan sa loob ng pamilya. Sa pananaliksik, natuklasan na mayroong pagkakaiba at maging pagkakapareho ang mga kababaihang OFW sa pamamagitan ng pag-analisa sa kanilang karanasan at pagpapakahulugan patungkol sa mga pagbabagong idinulot ng kanilang pangingibang-bansa. Napatunayan sa pananaliksik na hindi parating magkakapareho ang dulot na epekto ng pangingibang-bansa sa pagsasakapangyarihan ng mga ina ng tahanan. Ang pagaaral ay tinatanaw bilang isang pag-aambag sa kaalaman ukol sa mga pagbabagong hatid ng pangingibang-bansa ng mga kababaihan lalo na sa loob ng kanilang tahanan at pamilya kung saan nakakonteksto ang pananaliksik.