Abstract:
Ang konsepto ng nasyonalismo sa Pilipinas ay isang manipestasyon ng patuloy na pagiging alipin ng bansa sa kolonyal na nakaraan nito at isang pagpapatotoo sa maaaring magulong hinaharap nito. Sinabi ni Koh (na binanggit ni Roxas-Tope, 1998) na ang nasyonalismo umano ang pagiging matapat ng isang indibidwal sa estado. Ayon naman kay Dionisio (na binanggit ni David, 2004) walang indibwal ang ipinanganak na makabayan at nakukuha lamang natin ang ganitong katangian sa pagpasok sa paaralan sa pamamagitan ng pagkatuto ng iba‟t ibang simbolo at pagkanta ng pambansang awit. Ang ideyang ito ni David ay sinususugan naman ni Renato Constantino, isang bantog na makabayan at historyador. Sinabi niya sa kanyang akdang pinamagatang “The Miseducation of the Filipino” na napakaliit ng kamalayang makabayan ng mga Pilipino. Tinukoy ni Constantino ang mga paaralan bilang primaryang tagapagpalaganap ng ganitong baluktot na pag-iisip dahil nakukulong na lamang umano sa pagtuturo ng mga pambansang sagisag at ilang pang mga “walang kuwentang” bagay ang konsepto ng nasyonalismo. Maging sa kasalukuyan, nananaig pa rin ang ganitong pananaw. Sa mga paaralan, isa sa primaryang kasangkapan sa pagtuturo at pagkatuto ang mga batayang-aklat o textbook. Higit na makikita ang kahalagahan nito sa sektor ng pampublikong edukasyon sapagkat itinuturing ito bilang pangunahing sanggunian ng mga guro at ng mga magaaral, dahil na rin sa kakulangan ng pondo para sa iba pang mga materyal na gagamitin para sa pag-aaral tulad ng computer, internet, at iba. Kung kaya, hindi maitatanggi na kung ano ang nilalaman ng libro ay lubhang makakaapekto sa pagbuo ng mga ideya at konsepto sa murang edad ng isang bata. Bilang ang mga paaralan sa bansa ay nasa ilalim ng pangagasiwa at pangangalaga ng pamahalaan, hindi maitatatwa na ang estado rin ang may hawak sa kung ano ang mga aralin at mga konseptong itinuturo sa loob ng apat na sulok ng paaralan. Ayon kay Soltan Zadeh (2012), responsibilidad umano ng estado na hulmahin ang pambansang pagkakakilanlan ng mga mamamayan at ang paggamit ng mga polisiya sa edukasyon ang isa sa pinakamainam na kasangkapan para maisakatuparan ang ”mandatong” ito. Kung ilalagay sa konteksto ng Pilipinas, ang isa sa primaryang polisyang tinutukoy ay ukol sa pagtuturo ng kasaysayan sa mga libro [Introduction]