Abstract:
Sa pag-aaral na ito, ginamit ang Structuration Theory ni Giddens at ang konsepto ng Social Stratification at Social Mobility upang masagot ang katanungang, bakit umaalis ang bagong henerasyon sa sektor ng pagsasaka. Ang case study ay isinagawa sa Brgy. Sanja Mayor, Tanza, Cavite. Ang kwantitatibong bahagi ng pagsasaliksik ay isang sarbey na mayroong 20 magsasakang katugon. Samantala ang kwalitatibong datos naman ay nakuha sa pamamagitan ng expert interview sa isang representatib ng KMP, dalawang key informant interviews mula sa LGU ng lugar at narrative taking sa mga miyembro ng dalawang magsasakang pamilya. Sa pamamagitan ng content analysis method, napag-alaman na ang mga istruktura ng lipunan ay may negatibong epekto sa desisyon ng mga anak ng magsasaka pagdating sa sektor ng agrikultura. Sila ay umaalis buhat ng pagdami sa bilang ng pagbabago ng gamit ng lupang pang-agrikultural, kawalan ng sariling lupa, kakulangan sa suporta galing sa gobyerno, kawalan ng seguridad sa kita sa pagsasaka, pagdami ng oportunidad na magtrabaho sa ibang sektor buhat ng edukasyon at mismong ang kanilang mga magulang ay ninanais na magkaroon sila ng ibang uri ng pamumuhay.