Abstract:
Kolonyal, kumersyalisado at represibo - ito ang natukoy na katangian ng edukasyon sa bansa sang-ayon sa pambansa demokratikong pagsusuri. Ang samu't saring paglabag sa karapatan ng mga kabataan mula sa anti-estudyanteng mga patakaran, hanggang sa direktang atake sa mga progresibong grupo ng mga estudyante, ay malaon nang sinuri bilang represibong katangian ng edukasyon. Subalit sa harap ng sistematiko, laganap at direktang paglabag sa karapatan ng mga estudyante na kapwa inilulunsad ng administrasyon ng eskwelahan at ng gubyerno, nahamon ang naunang pagsusuri sa katangian ng edukasyon. Mula sa pagiging represibo, naging usap-usapan ang posibleng paghantong nito sa pasismo. Sinuri sa pananaliksik na ito ang posibleng pag-iral ng pasismo sa tersaryong edukasyon, mga batayan ng pag-iral nito kapwa sa pampubliko at pribadong Higher Educational Institutions (HEIs), at epekto nito sa kalidad at tunguhin ng edukasyon at mga estudyanteng lilikhain nito. Gamit ang komparatibong pagsusuri, pinaghambing nito ang mga patakarang umiiral sa magkaibang tipo ng akademikong institusyon, ang University of the Philippines Manila (UPM) at University of Santo Tomas (UST); tinukoy ang persepsyon ng mga estudyante sa mga patakaran ng eskwelahan, at sinuri ang kaisipang lumalaganap mula sa mga patakarang ito.