Abstract:
Ang Comprehensive Agrarian Reform Program ay ipinatupad simula noong 1988 upang maipamahagi ang mga lupain sa mga magsasaka at manggagawang-bukid na walang sariling lupa. Subalit sa pamamahaging ito ay dapat na mayroong "just compensation" para sa mga may-ari ng lupa. Ang mga lupain naman na sakop ng mga korporasyon ay may opsyon na stocks na lamang ang ipamahagi imbes na pisikal na ipamahagi ang lupa o ang tinatawag na stock distribution option. Ilan lamang ang mga probisyon na ito na nagpapakitang ang batas na ito ay may pagkiling sa mga panginoong maylupa at hindi nakatuon sa interes ng uring magsasaka. Hanggang sa kasalukuyan ay pito sa bawat sampung magsasaka ang wala pa ring sariling lupa. Sa Tungkong Mangga, ang lugar ng pananaliksik, natuklasan na karamihan ng mga magsasaka doon ay wala pa ring titulo o Certificate of Land Ownership Award (CLOA). Ang ilan naman na nakatanggap noon ng CLOA ay sinasabing ang hawak nila ay provisionary lamang o hindi matibay na katibayan na sa kanila na nga ang lupa. Hindi naging epektibo ang implementasyon ng CARP sa nasabing lugar sapagkat ang mga magsasaka ay hindi pa rin masabing sa kanila na nga ang lupa dulot ng kawalan nila ng titulo. Isa pa ay may mga panginoong maylupa pa rin na umaangkin sa mga lupain sa Tungko.